Bakas ng baluktot na daan

PERSONAL ang tema ng kolum na ito dahil tungkol ito sa problema ng isang malapit kong kamag-anak.

Pero kahit personal ito ay matibay naman itong halimbawa ng pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan noong nakaraang administrasyon.

Minarapat kong isulat ang problema ng Tiyo Romeo Rey ko dahil alam ko na marami pa ang gaya niya na inapi rin at nadaanan ng wang-wang ng mga kolokoy noong mga nakaraang panahon.

Hindi mayaman ang tiyo ko kaya normal naman na gaya ng marami sa mga ordinaryo nating mga kababayan ay nangarap din siyang magkaroon ng sariling bahay at lupa.

Kaya nang makilala niya si Evelyn L.C. Elliot na nagbebenta ng lote sa kanilang lugar sa Cainta, Rizal sa halagang sa tingin niya ay makakaya niyang bayaran at hulugan ay agad niyang kinuha ang lupa.

Sa madaling salita dahil sa pagtitipid at pagtitiis ay natapos niyang hulugan sa halagang P224,080.00 ang nasabing lote sa loob lamang ng tatlong taon na mas higit na maaga sa takdang panahon na limang taon.

Lahat ng dokumento na kailangan ay nakumpleto na niyang isumite sa Housing Land Use Regulatory Board (HLURB) kaya naman noong 2005 ay ibinigay na ng nasabing tanggapan ang karapatan sa kanya bilang may-ari ng lupa.

Nagsimula ang problema ng tiyo ko ng tanggihan ni Elliot ang utos ng HLURB dahil lamang sa walang kuwentang dahilan na dapat daw ay sa loob ng limang taon binayaran ng uncle ko ang lupa at hindi tatlong taon gaya ng nangyari.

Naging mas mabilis ang pagbabayad niya sa lote sapagkat may pagkakataon na sa halip na P4,967.00 lamang ang ibabayad niya ay dinodoble niya ang bayad kada buwan.

At doon na nga nagsimula ang problema niya. Kung ano-ano ang mga ikinatuwiran ni Elliot at dahil hindi siya nanalo sa HLURB Case No.REM-07093-12356 ay iniakyat niya ang usapin sa Legal Office ng Malakanyang.

At dahil may mga kontak siya sa nasabing tanggapan ay nagtagumpay siya na mapabaligtad ang nauna ng order ng HLURB at sa halip ay nanalo siya sa apela.

Sa napakatagal na panahon ay walang magawa ang tiyo ko pero dahil sa naniniwala siya sa tuwid na daan ni Noynoy ay umaasa siya na babaguhin nito ang sablay na order at tuluyan ng maibigay sa kanya ang titulo ng lupa.

Gusto ko lang sabihin na ang kaso niya ay hindi nag-iisa at marami pa ang gaya niya na biktima ng baluktot na daan na sana naman ay mabigyang katarungan sa kasalukuyang administrasyon.

Pahabol: Maligayang kaarawan sa matitikas kong mga kaibigan na sina Gil Bugaoisan ng Hagupit at NPC Director Paul Gutierrez ng People’s Tonight na parehong nagdiwang ng kaarawan noong Hunyo 26. Nagpayanig na si Gil sa Forest Grill at inaanyayahan naman ni Paul ang buong sambayanan sa Bamboo Giant sa Quirino Avenue, Manila sa Sabado.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply