‘Ban God bill’ pagyurak sa karapatan sa relihiyon — CBCP

ISANG pagsikil sa karapatan sa relihiyon ang panukalang batas na inihain ni Kabataan Partylist Rep. Raymond Palatino na naglalayong i-ban ang God, mga religious images, pagdarasal, pagmimisa sa mga government offices sa bansa.

Ito ang pananaw ng mga obispo ng Simbahang Katoliko sa House Bill 6330 o Ban God bill ni Palatino, at nanawagan pang huwag iboto sa susunod na halalan ang mga pulitikong lumalapastangan sa Panginoon.

Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Family and Life Executive Secretary Father Melvin Castro, nakakatakot ang panukalang batas ni Palatino dahil malinaw na pagyurak ito sa karapatan at pananampalataya ng isang tao, Katoliko man, Muslim o anumang sekta siya kabilang.

Pinayuhan pa ni Castro ang mambabatas na sa halip na pakialaman ang pananampalataya ng mga tao, higit na dapat pakatutukan ni Palatino ang mga isyung kinakaharap ng mga kabataan gaya ng drug addiction, prostitusyon, mga batang nasasangkot sa krimen at pagtutok sa mga adbokasiya upang mapanatili ang moralidad ng mga kabataan.

“Mga kabataan ang nire-represent niya, sana ay tutukan niya ang mga adbokasiya na makakatulong sa pag-unlad sa moralidad, talino at kakayahan ng mga kabataan!” ayon sa isang panayam kay Castro.

Ikinalulungkot naman ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles ang uri ng “mindset” ni Palatino at iginiit na ang isang bansa na hindi guided ng Panginoon ay tiyak na makakalikha ng gobyerno na pinamumunuan ng mga masasama.

Naniniwala ang arsobispo na ang panukalang batas ni Palatino ay malinaw na laban sa Konstitusyon.

Hinimok pa nito ang taumbayan na huwag ng ihalal o iboto sa susunod na halalan ang mga ganitong kongresista na nilalapastangan ang Panginoon.

Kaugnay nito, sinabi ni dating CBCP President Jaro Archbishop Angel Lagdameo na dapat na magsilbing hamon sa lahat ng mga mananampalatayang Katoliko ang panukalang batas ni Palatino upang mas lalo pang paigtingin ang pananampalataya at pag-ibig sa Panginoon.

Ayon kay Lagdameo, dapat isabuhay ang mga turo at aral ng simbahan sa kabila ng mga balakid sa pananampalataya.

Dapat rin aniyang mas lalong magpursige para iparating sa mga kongresistang gaya ni Palatino ang pag-ibig at kadakilaan ng Diyos.

Naniniwala rin ito na mahihirapan si Palatino na ipasa sa Kamara ang kanyang panukala lalo na’t karamihan sa mga mambabatas ay mga Katoliko.

Sa panig naman ni Caritas Manila Executive director Fr. Anton Pascual, sinabi nito na bunga ng “forbidden culture of the world o secularism” ang panukala ni Palatino.

Naniniwala siya na layon ng panukalang batas na ito na alisin sa isipan at kamalayan ng tao ang Diyos.

Paliwanag niya, bilang mga Filipino ay mahalaga sa atin ang mga religious symbol, images, rituals, Bible at mga sacrament dahil ito ang pinanghahawakan natin na siyang nagiging attachment natin sa Panginoon kaya’t dapat itong igalang o irespeto ng sinoman.

Mahalaga rin aniya ang mga imahe ng santo o religious images sa tanggapan ng mga politiko dahil ito ang magpapaalala sa kanya na huwag gumawa ng immoral at iligal.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply