Bangkarote na ba ang Bulacan?

ANO ba itong umuugong na balita na nagkakahetot-hetot  ang operasyon ng kapitolyo ng Bulacan dahil sa kapalpakan ng mga kasalukuyang namamahala.

Kung bakit? Aba’y hindi hihinto ang mga contractor sa pinaggagawa sa kanilang mga proyekto kung maayos ang pamamalakad sa kapitolyo.

Sa mga district hospital, walang gamot na kahit man lang daw pampahid sa kinagat ng lamok at linament na pampakalma sa sumasakit na tiyan.

Ang mga computer sa mga opisina eh walang ink (tinta) kaya ang mga dapat tapusin na mga dokumento at papeles ay ‘di magawa.

Yaong mga utility na kakarampot ang suweldo ay problema ang kawalan ng mga gamit at panlinis sa mga bumabahong kubeta.

Pati ang mga provincial newspaper publisher ay ‘di makasingil ng pina-ads na mga ‘papogi’ ng lalawigan dahil sa kawalan ng pera.

Ang mga linya ng Philippine Long Distance Company sa kapitolyo ay ‘disconnected’ na dahil sa utang na ‘di nababayaran sa kompanya. Naglaan daw ang provincial government ng P19.6 million budget para sa gastusin sa mga telepono para sa 2012 pero bakit pa nagkakautang?

At ito ang matindi – ang Manila Electric Company ay nagbabala na puputulin ang serbisyo ng kuryente kung ‘di mababayaran ang utang na P20 million.

Ang tanong ng mga taga-Bulacan na nakahuntahan ng Chokepoint eh eto:. ‘Di ba raw may budget  na P70.7 million sa 2012 ang kapitolyo para sa kuryente? Pero, bakit ‘di mabayaran ang pagkakautang sa Meralco  gayong sobra-sobra pala ang pondo ng Bulacan government sa kuryente?

Ang Bulacan ay may existing loan na P1 billion pero nangungutang na naman ng P2 billion sa Philippine National Bank.

Sa mga kadahilanang ito, malinaw na bangkarote ang kaban ng lalawigan dahil sa ‘di maayos na pamamahala ng mga nakaupong lider.

Eh walang ibang masisisi at bubuldyakin ang taumbayan kundi si Gov. Willy Alvarado at kanyang mga co-leader sa lalawigan.

Dahil kung maayos ang kanilang pamamahala, aba’y ‘di magkakandahetot-hetot ang operasyon ng pamahalaang provincial ng Bulacan.

Kawawa naman ang mga Bulakenyo, dahil nag-upo sila ng mga lider na mamumuno sa kapitolyo na ‘di naman pala maaasahan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply