Banta ni Mayor Lim kay Isko, 28 pa, ipina-blotter sa pulisya

PERSONAL na nagtungo sa Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS) si Manila Vice Mayor Isko Moreno upang  ipa-blotter ang pagbabanta umano ni Manila Mayor Alfredo Lim sa kanyang buhay at 28 iba pang opisyal ng pamahalaang lungsod.

Dumating si Moreno  sa MPD headquarters ganap na alas 10:00 ng umaga.

Ayon sa bise alkalde, kahapon June 22, nagpatawag ng pulong si Lim sa mga kapitan ng barangay sa buong Maynila upang pag-usapan ang gaganaping pagdiriwang sa Araw ng Maynila June 24.

Nagtataka naman ang mga dumalo sa nasabing pagpupulong dahil iba ang naging talumpati ni Lim na ang paksa ay upakan si Moreno at 28 konsehal.

Sinabi pa ni Moreno na hinamon pa ng away ni Lim ang kanilang grupo na kung gusto nila (Moreno) ng away ay kanyang pagbibigyan.

“Kung gusto nila ng away, pagbibigyan ko sila…bakit wala ba silang kamatayan?”, ang sabi ni Lim na ayon kay Moreno ay labis niyang ikinabahala sampu ng kanyang kasamahan na 28 konsehal.

Ito, aniya, ang kanyang dahilan kung bakit siya nagpa-blotter upang maitala sa mga awtoridad at sa publiko na sakaling may mangyaring masama sa kanya ay nasulat na ang insidente.

Aminado si Moreno na siya ay natatakot dahil, aniya, kapag nag-utos ng shoot-to-kill order si Lim ay tiyak na natutupad.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply