Bantayan ang kalayaan

NAG-ALAY ng bulaklak sina Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri at DOJ Secretary Leila De Lima sa dambana ni Gat Andres Bonifacio kasabay ng paggunita sa ika-114 taon Araw ng Kalayaan kaninang umaga.

HALOS parehas ang naging pananaw nina Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri at Department of Justice (DOJ) Secretary Leila De Lima na dapat bantayan ng bawat Pilipino ang kalayaan sa paggunita sa ika-114 Araw ng Kalayaan na ginanap sa dambana ni Gat Andres Bonifacio sa Bonifacio Monument Circle (BMC) kahapon ng umaga.

Bukod kay Echiverri at De Lima ay dumalo rin sa okasyon sina Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri, Madam Puri Echiverri, mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod, department heads, city hall employees, mga tauhan ng pulisya, kagawad ng pamatay sunog, Army Reserved Command, iba’t-ibang sektor ng lipunan, mga estudiyante, mga residente at iba pa.

Naging panauhing pandangal sa ginanap na paggunita sa Araw ng Kalayaan si De Lima kung saan ay binigyan din ito ng pagkilala ni Mayor Echiverri bilang pasasalamat sa pagdalo nito sa naturang okasyon.

Naging tema sa taong ito ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ang “Kalayaan: Pananagutan ng Bayan para sa Tuwid na Daan” na bagama’t inulan ay hindi pa rin nagpatinag ang mga nagsidalo na nagpakita ng buong suporta kay Mayor Recom.

Kasabay ng paggunita ng Araw ng Kalayaan ay patuloy din ang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod kung saan ay isang taon itong ginugunita sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga residente ng iba’t-ibang programa.

Ayon kay Mayor Echiverri, patuloy ang kanyang administrasyon sa pagbibigay ng serbisyo publiko sa mga residente upang tulungan ang mga ito na maiangat ang kanilang kabuhayan kabilang na dito ang pagkakaroon ng mega job fair at iba pang programa na tumutulong sa mga naninirahan sa lungsod.

“Sa ginintuang anibersaryong ito (cityhood), tunay ngang may dahilan tayo upang magbunyi, sapagkat ang Caloocan ay nagwawagi na sa kanyang pakikipaglaban sa kalayaan… Kalayaan mula sa kahirapan, kalayaan mula sa krimen at kaguluhan, kalayaan mula sa karumihan, kalayaan mula sa kamangmangan, kalayaan mula sa kawalan ng tirahan, trabaho at kalusugan”, sabi pa ni Mayor Recom.

Aniya pa, “Ngayong malaya na tayo sa halos lahat ng gumagapos sa ating lungsod noong araw, nararapat lamang na bantayan natin ang kalayaang ito.  Ika nga ng tema ng ating pagdiriwang ngayon, ang kalayaan ay “pananagutan ng bayan para sa tuwid na daan”.

Halos kaparehas naman ang sinabing ito ng alkalde sa binitiwang pahayag ni De Lima sa pamamagitan ng pagsasabing “huwag itulad sa isang “trophy” ang nakamit nating kalayaan na matapos mapanalunan sa patimpalak ay itatago na lamang at ibabaon sa limot”.

Samantala, pansamantala ring isinara sa trapiko ang ilang bahagi ng Monumento area kabilang na ang kahabaan ng Samson Road patungo sa BMC, 8th at 9thAvenues upang bigyan daan ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply