Benta ng pirated bold DVD protektado ng PNP

BUNGA ng madalas na pagsalakay ng mga tauhan ng Optical Media Board sa mga tindahan ng mga pekeng DVD sa Quiapo, Maynila, lumipat na ang mga nagtitinda ng mga ito sa iba’t ibang lugar na matao rin sa Metro Manila.

Maging ang malls ay naging pugad na rin ng mga nagtitinda ng mga pirated DVD na hindi lang ang mahihirap at pangkaraniwang antas ng mamamayan ang tumatangkilik kundi maging ang mga mayayaman din.

Halos kahit saan ka tumingin sa mga lugar sa Kamaynilaan ay makikitang napakarami nang mga nagtitinda ng mga piniratang DVD.

Halos isang linggo pa lang ang nakalilipas na naipalabas ang pelikulang Filipino ay makikita na ang mga kopya ng pirated DVD sa bangketa na pawang nakalawit at nakabuyangyang.

Dahil ba sa hindi na ito pinagkakaabalahan ng chairman ng OMB na si Ronnie Ricketts? O dahil ang mga  nagtitinda nito ay pawang may lagay o lingguhang proteksyon sa mga pulis na nakasasakop ng kanilang lugar na pinagtitindahan?

Ilang tulay o overpass na rin sa Maynila at Quezon City na may nagtitinda ng pirated DVDs ang nagrereklamo na madalas silang hulihin ng mga pulis kapag hindi sila nakapagbibigay ng lingguhang proteksyon upang makapagtinda sa lugar.

Wala na raw silang masalingan kung hindi ang magtinda dahil marangal na gawain naman ito subalit nagiging kabahagi pa ng kita nila ang mga pulis at maging opisyal ng barangay na nanghihingi ng “lagay” sa kanila.

Karamihan ng reklamo na natatanggap ng Pakurot ay mula sa mga kapatid na Muslim na dumayo sa Kamaynilaan upang maghanapbuhay. Anila, madalas kapag hindi sila nakapag-aabot sa mga pulis mula sa istasyon at headquarters ay hinuhuli sila at upang makawala o lumaya ay hinihingian sila ng cellphone o katumbas ng pera nilang lagay.

Bukod pa ang pagkuha ng mga nagustuhang kopya ng DVD na kanilang paninda. Hindi raw naman biro ang binabata nilang hirap para lang kumita.

Maghapong nasa ilalim ng init ng araw, minsan naman ay kinakaya ang malakas na ulan para lang kumita subalit napupunta naman sa kamay ng mga malasadong alagad ng batas sa halip na sa bituka ng kanilang pamilya.

Kaya naman anila, minsan ay hindi nila masisi ang ilan sa kanilang mga kasamahan na murahin ang mga pulis na ito o kaya naman ay gantihan dahil sa kanilang ginagawang panggigipit sa mga nagtitinda.

Labag sa batas ang ginagawa ng mga nagtitindang ito ng pirated DVDs.

Subalit dahil sa kagustuhang mabuhay at mapakain ang kanilang pamilya ay ginagawa nila ito.

Sana, maitama naman ito ng pamahalaan at hindi iyong tino-tolerate sila sa maling paraan tulad ng paghuli at pakakawalan din kapag naibigay na ang hinihinging lingguhan.

Siyanga pala, ipararating ko lang kay Supt. Cris Mendoza ng Quezon City Police District – Novaliches Police Station na napakaraming tindang pirated bold DVDs sa Park and Ride sa Gen. Luis St. at maging sa bangketa ng Quirino Highway  subalit hindi naman ito binibigyang pansin ng kanyang mga tauhan.

Ipinagyayabang ka, Col. Mendoza, ng mga nagtitinda sa lugar mo na nagbibigay sila ng lingguhang parating sa pulis mo na siyang nangongolekta sa kanilang mga vendor sa lugar.
Paki-aksyunan lang po.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11-@yahoo.com.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply