BI chief hinamon na lumagda sa waiver

DAHIL sa napaulat na umano’y mga anomalya sa Bureau of Immigration, hinamon kahapon ng mga opisyal at empleyado si Commissioner Ricardo David Jr., na pumirma sa isang waiver na magbibigay pahintulot sa mga bangko na ilantad sa publiko ang yaman nito.

Ayon sa mga opisyal at kawani ng BI, nararapat lang na magpakita ng transparency at full accountability si David, bilang presidential appointee, upang patunayan sa bayan na wala itong tinatagong yaman na hindi nakalista sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth.

Ginawa ng mga empleyadong kabilang sa Immigration Officers Association of the Philippines ang panawagan makaraang malantad sa publiko na nagkaroon ng bayaran kapalit ng pagtakas ni Korean fugitive Kim Tae Dong sa St. Luke’s Hospital noong Disyembre 24, 2011.

Sa nasabing pagpuga, nagpakawala umano ang dayuhang wanted sa kasong swindling sa Seoul, South Korea ng US$10 milyon upang maging ‘pipi’t bingi’ ang matataas na opisyal ng immigration.

Kabilang sa mga nakinabang umano sa pinakawalang pondo ni Kim ang isang opisyal ng kawanihan na may tanggapan sa ikalawang palapag at tatlong matataas na opisyal na may tanggapan naman sa ikatlong palapag ng gusali ng kawanihan sa Intramuros, Manila.

Ayon pa sa isang immigration officer na tumangging magpakilala, naibulalas ni David sa kanilang flag-raising ceremony noong Abril na dapat kasama ang dollar accounts sa mga kailangang ideklara sa isinusumiteng SALN.

Aniya, ginawa ni David ang pahayag sa harap ng mga empleyado at opisyal ng kawanihan, habang pinaaalalahanan ni Danilo Lopez, hepe ng BI personnel section, ang mga opisyal at empleyado sa pagsusumite ng kanilang SALN.

Sa kanyang SALN para sa taong 2010, umabot sa mahigit P7M ang kinita ni David, walong buwan matapos na iluklok ito ni Aquino sa puwesto noong Mayo 2010.

Kabilang sa kayamanan ni David ang cash on hand/bank accounts sa halagang P1,964,892M.

Nauna nang ipinahayag nina Justice Secretary Leila De Lima at Customs Commissioner Ruffy Biazon, parehong presidential appointees, na pabor sila na lumagda sa bank waiver na unang iminungkahi ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, bago ito mapatalsik sa puwesto ng Senate impeachment court noong Mayo 29.

Sinuportahan din ng Transparency Accountability Network at ng kilusang Waiverwatch ang panawagan sa lahat ng opisyal ng pamahalaan na pumirma sa isang bank waiver.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply