Biazon laban sa dorobo

DOBLE kayod si Commissioner Ruffy Biazon ng Bureau of Customs (BoC) para masawata ang lahat ng gustong magpalusot sa Aduana.

Maging ang kanyang mga tauhan na markadong kasapakat ng mga smuggler na BoC ay kanya ring pinababantayan upang hindi na ito makaporma pa lalo’t higit ung mga empleyadong kasosyo na ng mga player sa Customs.

Dahil todo ang ginagawang pagmomonitor ni Biazon ay nalampasan na nito ang buwanang collection target ng kanyang tanggapan na dahilan para matuwa ang iba’t ibang NGO’s at ilang lider ng Kongreso.

Ito ang hindi mapasusubaliang katotohanan dahil malinaw naman sa datos na magmula nang manungkulan si Biazon bilang pinuno ng BoC ay tuloy-tuloy ang ginagawa nitong pagtatrabaho na nagresulta sa magandang koleksyon sa Aduana, dagdag pa rito ang sandamukal na pagsasampa ng kaso sa mga smuggler na nagtamasa noong mga nakalipas na panahon na gusto pa rin magpalusot sa ngayon.

Sa rekord ng Bureau of Customs (BoC) legal department, halos di sila sumasablay sa pagsasampa ng kaso kada linggo sa mga dorobong nagkalat sa Aduana dahil maraming ginawang paraan si Biazon para hindi siya mapalusutan ng kanyang mga tauhan, na alam naman natin na ang iba ay matagal nang kasapakat ng mga player o dorobo rito. Malinaw naman sa accomplishment ni Biazon na hindi lumalampas ang isang linggo na hindi sila nakabubukayo ng isang palusot na kar-gamento dahil iba ang kanyang ginagawang monitoring dito.

Maging ang taktika nitong ginawa na ang lahat ng kargamentong ilalabas sa Aduana ay nangangailangan munang dumaan sa kanyang opisina para sa “clearance” ay epektibo dahil naiiwasan na ang pagdedeklara ng mga palusot na kargamento lalo’t higit ay nagbabayad na ito ng tamang buwis para sa kanilang ipinapasok na kalakal.

Kahit ang mga kongresista na bihirang pumuri sa mga naging Customs boss ay napahanga ni Biazon dahil malinaw naman daw na nabawasan ang kurakutan at palusutan sa Aduana.

Sa pahayag ni Cong. Dong Mendoza ng Batangas, saludo siya sa ginagawa ni Biazon lalo’t higit sa usapin ng “transparency” dahil ipinakita raw nitong bawal ang nasa “mali at baluktot na daan” sa Customs.

Saludo rin si Mendoza sa ginawang kampanya ni Biazon para masawata ang smuggling ng mga agricultural product na isa sa mga pumapatay sa mga magsasaka sa bansa kasama na rito ang Batangas, na kinakatawan ni Mendoza sa Kamara.

Una rito,nagpahayag na rin ng pagtutol ang grupo ni Raul Concepcion,pinuno ng Consumer Watch, sa balakin ng Malakanyang na patakbuhing muling senador si Ruffy Biazon dahil tumino ang kalakaran ng BoC sa pamamahala ng anak ni Pong.

Sandamakmak pang accomplishment ang makikita natin sa batang Biazon kaya’t panahon na para samahan natin siya sa “tuwid na daan” para sa tuloy-tuloy na reporma at pagbabago sa Aduana.

###

Sa mga nagnanais ng tahasang pagkalinga ng pitak na ito,mag-email kayo sa barangayanni_isko@yahoo.com.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply