Binatilyo muntik makidnap sa Pasay City

PINAALALAHANAN ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko hinggil sa umano’y gumagalang kidnappers ng mga bata makaraang magreklamo ang mga magulang ng 14-anyos na binatilyo na muntik nang makidnap kahapon (Hunyo 20) sa Pasay City.

Nagawa lamang makatakas ng biktimang itinago sa pangalang Boy nang tusukin niya ng hawak na ballpen ang babaeng kumakaladkad sa kanya patungo sa isang nakaparadang van na may sakay ng mga nag-iiyakang kabataan.

Nabatid kay Pasay City police S/Supt. Melchor Reyes, na inalarma kaagad niya ang lahat ng mga station commanders ng kanyang nasasakupang kapulisan sa lungsod sa pagbabakasakaling masukol ang mga suspek na kinabibilangan ng isang babae at dalawang lalaki.

Batay sa pahayag ng biktima sa pulisya, naglalakad siya sa kahabaan ng P. Burgos dakong ala-1:30 ng hapon nang lapitan siya ng isang babae na tinatayang nasa edad na 25 hanggang 29-anyos, may tattoo sa kaliwang braso at likurang bahagi ng kaliwang tenga at hinimok siyang sumamang kumain sa isang sikat na fast food restaurant.

Nakumbinsi ang binatilyo lalo na’t may apat pang mga batang babae at limang batang lalaki pa ang kasama ng isang lalaking nakasunod sa nanghihimok sa kanyang babae subalit pagsapit nila malapit sa P. Noble St. kung saan nakaparada ang van, namataan niya sa loob nito ang mga batang nag-iiyakan kaya’t sinabihan niya ang babae na magpapaalam muna siya sa kanyang mga magulang.

Hindi umano pumayag ang babae at pilit siyang hinatak papasok sa van kaya’t tinusok niya ng hawak na ballpen ang kamay ng suspek hanggang sa makawala at makatakbo siyang palayo. Hinabol umano siya ng lalaking kasama ng babae subalit nakahingi na siya ng tulong sa barangay tanod kaya’t mabilis na ring tumakas ang mga suspek.

Hinihintay na ng pulisya kung may mga magulang pa na maghahain ng reklamo kaugnay sa pagkawala ng kanilang mga anak upang maisagawa na ang puspusang pagsisiyasat sa naturang kaso.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply