Binay aayuda sa Pinoy teachers sa Maryland

NAKATAKDANG sumulat si Vice President Jejomar Binay kay US Vice President Joe Biden ngayong linggo upang hilingin sa pamahalaang Amerika na bigyan ng palugit na makapagturo ang mahigit sa 100 Pilipinong guro sa Maryland matapos na mapaso ang kanilang working visa.

Sa kanyang pakikipagkita noong isang linggo sa mga nasabing guro sa Baltimore, hiniling din ni Binay sa mga guro na bigyan siya ng kopya ng kanilang kontrata at iba pang dokumento upang makabuo ang kanyang tanggapan ng kaukulang hakbang para manatili sa Estados Unidos ang mga guro.

Karamihan sa mga guro ay nagtuturo sa elementarya matapos na kalapin ng Baltimore school district dalawang taon na ang nakararaan.

Ikinabahala rin ni Binay ang problema kung papaano mababayaran ng mga teacher ang mga utang sa Pilipinas para lamang makapunta sa Estados Unidos.

Ayon pa sa Bise Presidente, ginigipit na umano ang mga kamag-anak sa Pilipinas ng mga guro matapos na pumalya ang mga ito sa bayarin.

Tiniyak din ni Binay sa Filipino community sa Amerika na ginagawa ng Aquino government ang lahat ng mga hakbang upang tulungan ang mga overseas Filipino worker na maging biktima ng human trafficking.

Aniya, simula ng maluklok sa Malakanyang si Pangulong Aquino ay pinag-ibayo na ng pamahalaan ang kampanya nito laban sa human trafficking na nagresulta naman sa maramihang pag-aresto sa mga miyembro ng sindikato.

Umaasa rin ang chairman emeritus ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na mapapanatili ng Pilipinas ang ranggo nito sa Tier 2 status ng ilalabas na Trafficking in Persons report ng US State Department ngayong Hunyo.

Batay sa paniniwala ng US State Department, ang mga bansang sakop sa Tier 2 ay hindi pa lubos na naipatutupad ang probisyon sa Trafficking Victims Protection Act ng Amerika, subalit gumagawa ng mga pamamaraan upang makatalima sa nasabing bansa.

“Our goal has always been to be upgraded to Tier 1 status, but even if we don’t make it this year, given the number of trafficking-related convictions we had since the latest GTIP report was released, we are confident that we will remain in the Tier 2 list,” pahayag pa ni Binay.

Sakaling bumagsak ang Pilipinas sa ranggong Tier 3, mangangahulugan ito ng pagkawala ng mahigit sa US$700 milyon ayuda mula sa Estados Unidos.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply