Bishop Cruz ‘pinatatahimik’ ng Palasyo

IBINUNYAG ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na nais siyang ‘patahimikin’ o patigilin sa pagtuligsa sa pamahalaan ng isa sa mga adviser ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

Ayon kay Cruz, isang ‘Jun Zuñiga’ na umano’y nagtatrabaho kay Presidential Political Adviser Ronald Llamas, ang lumapit kay jueteng whistle-blower Sandra Cam may ilang buwan na ang nakakaraan at nagtanong kung paano mapapatigil ang Arsobispo sa pag-atake sa pamahalaan.

Sinabi ni Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at  founder ng Krusadang Bayan Laban sa Jueteng, sinabi ni Cam kay Zuñiga na hindi maaaring ‘busalan’ ang retiradong arsobispo, partikular na kung may kinalaman sa isyu ng jueteng.

“Si Sandra Cam hindi naman magsisinugaling ang ale na iyan eh. Magkakilala kaming mabuti. At ayon kay Sandra Cam, sinabi niya kay Zuñiga: ‘Wala hindi mo mapapatahimik iyan,’ or something like that,” ayon pa kay Cruz.

“Sabi ko huwag na akong takutin, matagal na akong takot… Eh bakit hindi ako kausapin, kung gusto nila akong kausapin okay lang sa akin. Sasabihin ko eh ‘di gumawa sila ng matuwid,’ at kung kumilos sila ng tama tatahimik ako,” aniya pa.

Nabatid na hindi umano ibinunyag noon ni Cruz ang isyu dahil hindi pa napapanahon.

Kaugnay nito, nagpahayag rin naman nang pagkadismaya si Cruz dahil sa patuloy aniyang pamamayagpag ng jueteng sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Kung tutuusin aniya ay mas buhay na buhay pa nga ang jueteng ngayon kumpara noong mga nakalipas na administrasyon.

“Ang totoo po niyan, ang jueteng buhay na buhay, mas buhay pa kaysa noong araw,” ani Cruz.

Duda rin naman si Cruz kung may mangyayari sa imbestigasyong isinasagawa ng DILG kaugnay sa alegasyon ng isang Molly Acuna na protektor umano ng jueteng at tumatanggap ng payola sina National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Alan Purisima at Region 4-A (Calabarzon) Police director James Melad.

“Wala po, basta imbestigasyon wala po iyan,” aniya.

Muli rin namang binatikos ni Cruz ang matagal nang pahayag ni PNoy na hindi niya prayoridad ang pagsugpo sa jueteng sa bansa.

“[Ang sabi] ng pangulo, noon pa, hindi daw niya priority iyun. Ang tanong ko eh ‘bakit kaya?’” aniya.

Nanindigan rin ito na nananatiling front ng jueteng ang small town lottery o STL.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply