Bishop Cruz: SC desisyon sa PCOS machine, ‘bad signal’ sa taumbayan

HINDI na ikinagulat ng isang Catolic bishop ang naging desisyon ng Korte Suprema na payagan ang pagbili ng Commission on Elections (Comelec) ng mga precinct count optical scan (PCOS) machines na nagkakahalaga ng P1.8 bilyon mula sa Smartmatic TIM.

Ayon kay retired Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, hindi na siya nabigla pa sa desisyon ng Supreme Court lalo pa’t ‘kadikit’ na ngayon ng punong ehekutibo ang Korte Suprema matapos maalis sa puwesto si dating Chief Justice Renato Corona.

Sa panayam ng church-run Radio Veritas, sinabi ni Cruz na ang desisyon ng Korte Suprema ay maghahatid ng ‘bad signal’ sa taumbayan.

Aniya pa, hindi ito magandang balita dahil mawawalan na ng saysay ang pagkakapantay-pantay ng tatlong sangay ng pamahalaan, na kinabibilangan ng ehekutibo, hudikatura at lehislatibo.

“Hindi na natin ikinagulat yan!  Inaasahan na natin na lalabas ang ganyang desisyon. Wala nang dapat ipagtaka lalo pa’t hawak na ni PNoy ang Korte Suprema. And it will create a bad signal!” ani Cruz

“Bad news ito! Mawawalan na nang saysay ang pagiging co-equal ng tatlong matataas na sangay ng pamahalaan! Alam naman natin na noon pa man ay talagang pinakilos ni PNoy ang kanyang makinarya, pera at kapangyarihan para mapaalis sa puwesto si Corona!” dagdag pa ni Cruz.

Matatandaang una nang pinayagan ng Korte Suprema ang Comelec na bilhin ang PCOS machines para magamit sa 2013 mid-term elections.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply