Bogus enterprising BOC personnel

NAPAKARAMING ‘magagaling’ na nilalang na dahilan ng pagkakabulid ng Bureau of Customs (BOC) sa tawag na ‘corrupt’ agency ng pamahalaan.

Ito yaong mga ‘personahe’ na naglalagay ng opisina sa loob ng Aduana at nagpapakilalang mga BOC personnel.

Pero sa katotohanan, sila’y mga peke o bogus na kawani na ang gawain o modus operandi ay maghanapbuhay sa BOC sa iligal na pamamaraan.

Sa tulong ng mga ‘contact’, naisasagawa nila ang iba’t ibang iligal na negosyo sa waterfront, isa rito ang smuggling.

Mabuti na lang, nabuking ni Comm. Ruffy Biazon ang gawaing ito ng mga ogag na yan na ugat ng katiwalian sa Customs.

Pitong  peke at tinawag din na ‘hao-shiao’ BOC personnel ang dinakip ng Customs cops at ngayo’y isinasailalim sa masusing imbestigasyon.

Ang masama, walang kaalam-alam si Comm. Biazon na isa sa mga ito na tumutugon sa pangalan na ‘Nilo Peñaflor’ ay nagpapakilala raw na kanyang kamag-anak.

At ang ikinagulat pa ng komisyuner eh, ang lima sa mga ito ay may mga identification card (ID) ng Office of the Customs Commissioner.

Samantalang ang dalawa pa sa dinakip ay may mga ID ng kompanyang Jade Brothers Brokerage. Ang gagaling talaga ng mga !@#$%^*+.

Ang modus ng mga ito ay makipagtransakyon sa mga importer at broker kung gusto nilang makapagpalusot ng mga epektos o kargamento.

Ito na ang pagkakataon para ipakita ni Biazon na sa kanyang liderato, walang puwang ang  modus operandi ng mga  kawatan.

Dapat sa mga  nadakip na yan ay maparusahan, makulong para matakot ang mga iligalista at para ‘di na pamarisan pa ng iba.

Pagtitiyak natin, ang pitong naaresto na pekeng BOC personnel ay ilan lang sa maraming grupo pa na nag-ooperate, ‘di lamang sa BOC main office, kundi sa ilan pang ports sa bansa.

Suhestiyon ng Chokepoint kay Comm. Biazon, ituloy niya ang pagdiskubre sa mga bogus ‘enterprising’ BOC personnel sa kanyang ahensya.

Dahil sa mga ‘hao-shiao’ na kawatan na ito na kumikilos sa Aduana, ‘di nawawala ang mga iligal na trabaho riyan.

Go Commisioner, linisin mo ang ahensya sa mga  manloloko dahil sila’y mga ‘anay’ na kapag ‘di masugpo ay sisira sa nakatayong pundasyon ng BOC.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply