CBCP sumuporta sa protest caravan ng mga magsasaka

MAHIGIT 20 obispo ng Simbahang Katoliko ang nagpaabot ng suporta sa isinasagawang 10-day protest caravan ng mga magsasaka simula sa Mindanao patungo sa Malakanyang.

Kabilang sa mga nagbigay ng suporta sa protest caravan ng mga magsasaka, na sinimulan noon pang Hunyo 1, para sa implementasyon ng CARPER ay sina Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President at Cebu Archbishop Jose Palma, Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Palawan Bishop Pedro Arigo, Mindoro Bishop Antonio Palang, Jaro Auxiliary Bishop Gerardo Alminanza, Boac Bishop Rey Evangelista at Incoming San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari.

Sumusuporta rin sa mga magsasaka sina Butuan Bishop Emeritus Zacarias Jimenez, Borongan Bishop Crispin Varquez, Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, Kalookan Bishop Deogracias Iniguez, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Bayombong Bishop Ramon Villena, Gumaca Bishop Buenaventura Famadico, Malolos Bishop Jose Oliveros, Cotabato Archbishop Orlando Quevedo, Ilagan-Isabela Joseph Nacua, Baguio Bishop Carlito Cenzon, Antipolo Auxiliary Bishop Francis de Leon,  Manila auxiliary Bishop Bernardino Cortez at Lipa Archbishop Ramon Arguelles.

Nabatid na layunin ng protest caravan na hikayatin si Pangulong Benigno Simeon Aquino III na aksyunan ang mandated completion ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms bago ito tuluyang magtapos sa taong 2014.

Kaugnay nito, bukas (Hunyo 5) magmamartsa ang mga magsasaka mula sa San Pedro, Laguna patungong Muntinlupa kung sila magpapalipas ng gabi at muling uusad ang caravan patungong Paranaque.

Inaasahan namang makikilahok sa Miyerkules (Hunyo 6) ang mga magsasaka na mula pa sa Mindanao.

Sa Hunyo 7 ay lalakad naman ang mga magsasaka patungong Intramuros kung saan manananghalian ang grupo sa Manila Cathedral at dadalo sa misa na pangungunahan ni Manila Archbishop Antonio Tagle habang sa Hunyo 8 ay tutulak ang grupo patungong Malakanyang.

Sinabi ni Arigo na sinuportahan nila ang grupo dahil nais nilang ipakita at ipadama sa mga ito na may pag-asa pa.

Kaugnay nito, dismayado naman si Lipa Archbishop Ramon Arguelles dahil sa pagkabigo ng Department of Agrarian Reform sa pagpapatupad ng CARPER simula ng maisabatas ito tatlong taon na ang nakalipas.

Ani Arguelles, hindi ginawa ng DAR ang trabaho nito sa pagpapamahagi ng mga lupa sa mga farmer beneficiaries kaya’t nainip ang mga magsasaka at nag-alburoto sanhi upang magpasyang magsagawa ng 10-day protest caravan patungong Malakanyang.

Hinamon din naman ng arsobispo ang administrasyong Aquino na asikasuhin naman ang kinabukasan ng mga magsasaka at hindi ang mayayaman. Kyle Gatus

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply