Computerized election ng Comelec suportado ng PPCRV

SUPORTADO ng isang election watchdog ang adhikain ng Commission on Elections (Comelec) na muling makapagsagawa ng computerized election sa taong 2013.

Kaugnay nito, hinimok ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang publiko na suportahan pa rin ang naturang layunin ng poll body.

Ayon kay PPCRV Chairperson Henrietta de Villa, wala naman talagang ibang hangad ang Comelec kundi mapagbuti at mapaghusay ang sistema ng halalan sa bansa.

Aniya pa, dapat isantabi na ang mga maling hinala sa pakay ng poll body na muling gamitin ang voting machines ng Smartmatic kung nais talaga ng lahat ng pagbabago sa sistema ng botohan sa bansa.

Una nang iginiit ng mga petitioner noon sa Korte Suprema na hindi dumaan sa bidding ang nasabing kontrata na maituturing na isang paglabag sa procurement law.

Pero sa desisyon ng Korte Suprema, sinabi nito na hindi pa naman nagpapaso ang “option to purchase” ng Comelec sa “contract for lease” nito noon sa Smartmatic.

Ginawa ni de Villa ang pahayag kasunod nang pagpapatibay ng Korte Suprema sa kontratang pinasok ng Comelec sa Smartmatic-TIM para sa pagbili ng mga precinct count optical scan (PCOS) machine na siyang gagamitin sa May 2013 elections.

Ang mga nasabing makina ang ginamit sa kauna-unahang automated election sa bansa noong 2010.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply