Corona, Dantes at ang Suburban

MATATANDAANG nakita sa telebisyon ang sasakyang ginamit ni dating Chief Justice Renato Corona noong siya’y palabas na ng gusali ng Senado. Ito ay isang Chevrolet Suburban na may plakang ZEE-868. Wala namang problema sana ngunit natuklasang hindi ito nakarehistro. Ang naturang SUV (Sport Utility Vehicle) ay nasa pangangalaga ngayon ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) habang sumasailalim sa imbestigasyon.

Ayon kay HPG Director Chief Supt. Leonardo Espina, ito ay pag-aari ng isang Mark Anthony Lopez ng Viking Haulers Inc. Agad namang umamin si Lopez na hindi nga ito nakarehistro. Sa imbestigasyon ay lumalabas na ang SUV ay inupahan ni Corona sa halagang P12,000 kada araw.

Kaya rin dumating ito sa atensyon ng HPG ay dahil sa reklamo ng isang negosyanteng taga-Cebu na kapareho daw ng plaka nito ang kanyang Mitsubishi L-300.

Ang tanong ko, bakit kinailangan umupa ni Corona ng sasakyan? Hindi ba may sariling sasakyan naman siya? At bakit tila aanga-anga ang kanyang staff sa pagpili ng rerentahang sasakyan na hindi man lang inusisa kung ito’y rehistrado o hindi lalo na’t punong mahistrado ang gagamit nito.

Pambihira naman talaga ang staff niyo Ginoong Corona.

*****

Pinangunahan kamakailan ng aktor na si Dingdong Dantes ang paglulunsad ng nationwide campaign ng gobyerno ukol sa disaster praperedness na ginawa sa Camp Crame Elementary School sa Quezon City. Nakisakay si Jose Sixto Dantes (tunay na pangalan) sa sasakyan ni DILG Secretary Jesse Robredo patungo sa paaralan. Pagkatapos ng okasyon ay nakitang sumakay si Dantes sa isang itim na Chevrolet Suburban na may commemorative plate sa harap na ang nakasulat ay “SIXTO” na patunay lamang na sa aktor nga ito. Subalit hindi nakakabit ang regular na LTO-issued plate sa harap. Sa likod lamang makikita ang LTO plate.

Ayon sa batas, puwedeng maglagay ng commemorative plate basta nakalagay pa rin ang LTO plate. Ito’y maaring ikabit sa taas, baba, o sa tabi ng plaka ng LTO. Hindi lang naman si Dantes ang gumagawa nito pero kung ikaw ay mukha o endorser lalo na ng isang proyekto ng gobyerno e sana nag-iisip tayong mabuti sa ating mga ginagawa. Siyempre nga naman, pag ito’y sinita ay kadalasan siguro napagbibigyan dahil artista. Sana lang ay ikabit mo na Ginoong Dantes ang LTO plate para naman talagang maging karapat-dapat kang endorser ng kahit anomang proyekto pribado man o mapa gobyerno.

*****

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810 AM. Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORINGTV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa Kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operators nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y mag-text sa 0918-4479006. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply