Daan-daang market vendor nababahala

NABABAHALA ang may 400 tenants o manininda na maapektuhan ang kanilang hanapbuhay matapos na lumabas sa ilang pahayagan ang negatibong artikulo tungkol sa Fortune Market Poblacion sa kabila ng pagtupad nito sa mga requirement na itinatadhana ng batas.

Ayon kay Rey Palomares, tenant sa Fortune Market Poblacion, walang katotohanan na may ibinebentang “botcha” o double dead meat sa kanilang pamilihan at siniguro pa nitong malinis at ligtas ang mamimili sa paligid ng naturang palengke.

Aniya, matagal nang dinarayo ng mga mamimili ang kanilang pwesto dahil sinisiguro ng pamunuan ng Fortune Market Poblacion na mura, malinis, ligtas at alinsunod sa batas ang mga ibinibentang paninda rito.

Nananawagan din ang mga manininda dito sa mga kinauukulan na isyuhan na sila at ang Fortune Market ng permit dahil tumutupad naman ito sa mga kasalukuyang requirements ng pamahalaang lokal at DENR.

Ayon naman kay G. Melchor Del Mundo, market master ng Fortune Market Poblacion, patuloy ang pakikipag-ugnayan nila at pagsunod sa utos ng Department of Environment and Natural Resources Region 3 para sa paglalagay ng waste water treatment facility at pagsumite ng mga kaukulang requirements pero sa hindi malamang dahilan, ayaw pa rin silang bigyan ng “permit” ng Meycauayan City Mayor’s Office, City Planning and Development Office sa ilalim ni OIC Jun Torres at City Engineers Office sa ilalim ni Carlos Abacan para makapag-umpisa ng mga pagawain kahit pa nga ilang beses na rin silang nagsumite ng mga requirement at liham sa mga naturang tanggapan.

Aniya, imbes na permit sa pagsasaayos ng palengke ay isang “closure order” ang naging tugon ng Mayor’s Office.

Sa ekslusibong panayam ng Remate kina PS/Supt. Fernando Mendez Jr., Bulacan PNP Provincial Director, at P/Supt. Hector Samar, hepe ng Meycauayan PNP Station, sinabi nila na hindi sakop ng kanilang tungkulin ang pagpapasara sa naturang palengke sakaling may nilabag itong batas at tanging “police assistance” lang ang kanilang gampanin para masiguro ang “peace and order” sakaling ipatupad ng DENR o alinmang ahensya ang closure order na inisyu nito.

Nabatid  na 1966 pa itinatag ang naturang palengke at nagkaroon ng kasuhan sa pagitan ng Meycauayan Local Government at ni Eulalio Nieto, anak ng original na may-ari ng 3,882 metro-kuwadradong lupang kinatitirikan ngayon ng Fortune Market Poblacion kung saan kinatigan ng Korte Suprema si Nieto.

Ipinag-utos din ng Korte Suprema sa Meycauayan City Government ang pagsasauli ng land title, pagturn-over ng possession ng lupa at pagbabayad ng P3.8 million halaga kay Nieto bilang danyos.

Taong 2010 naman nai-turn-over ng city government sa mga anak ni Nieto ang possession ng lupa at ang Fortune Market na ang siyang namahala nito.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply