Dagdag requirement sa CJ post, ‘Over Acting’ — Enrile

MARIING ipinahayag ni Senate President Juan Ponce Enrile na ‘kaartehan’ nang maituturing ang dagdag na requirements ng Judicial and Bar Council (JBC) sa mga aplikante para sa uupong Chief Justice ng Korte Suprema.

Ayon kay Enrile, dahil sa pag-oobliga ng JBC na magsumite ng waiver at kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) sa mga aplikante ay lumalabas na wala nang pinagkakatiwalaan sa sinumang manunungkulan na punong mahistrado sa Korte Suprema.

Ani Enrile, wala umanong problema kung sakaling pulitiko ang italagang Chief Justice dahil pawang magagaling naman ang mga pulitikong naitalagang punong mahistrado hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa Amerika.

Pinayuhan naman ni Senador Enrile si Pangulong Noynoy Aquino na piliin ang kandidatong may paninindigan at walang kinikilingan.

Matatandaan na nagdagdag ng panibagong requirements ang JBC para sa mga aplikante at nominado para sa posisyon ng Supreme Court Chief Justice.

Kabilang sa dagdag requirements, ayon kay JBC ex-officio member Senador Francis Escudero ang pag-obliga sa mga kandidato na magsumite ng waiver para sa kanilang peso at dollar accounts pabor sa lupon. Bukod pa ito sa isusumiteng kopya ng kanilang SALN.

Kung sakaling nanggaling sa gobyerno, obligado ang aplikante na ipasa ang kanilang SALN mula nang pumasok ito sa serbisyo at kung galing naman sa pribado ay kailangan itong magsumite ng SALN na ibabase sa Disyembre 31, 2011.

Itinakda naman ng JBC sa Hunyo 18 ang deadline para sa pagsusumite ng application at nomination para sa pagka-punong mahistrado.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply