Dating hepe ng tanod itinumba

LUCENA CITY – Patay ang isang truck driver na dating hepe ng barangay tanod matapos na ito ay pagbabarilin ng apat na suspek habang  minamaneho ang kanilang service truck papasok sa kanilang establisimyento sa Milagros St., Capitol Homesite Subdivision, Barangay Cotta, sa lungsod na ito.

Apat na tama ng bala ang naglagos sa katawan ng biktimang si Adolfo  Magugat, alyas Dolphy, residente at dating hepe ng mga barangay tanod ng Cotta at nasawi ito ilang oras matapos maitakbo sa Mt. Carmel Hospital.

Sugatan naman ang pahinante nito na si Christian Santa Maria, 18-anyos at tubong Barangay Recto, sa bayan ng General Luna, Quezon na tinamaan ng bala sa braso.

Sa imbestigasyon, dakong alas-8:00 ng Sabado ng gabi, sakay ang mga biktima ng Isuzu truck na may plate no  RFP-388 ngunit pagsapit ng mga ito sa gate ng kanilang establisimyento ay hinarang sila ng apat na suspek na sakay ng dalawang motorsiklo.

Hindi na nakababa sa driver’s seat ang biktima at agad itong pinaulanan ng bala na ikinasugat ng pahinante.

Habang papatakas ang mga suspek, tinangay pa ng mga ito ang kalibre .45 baril ni Magugat.

Agad namang nagsagawa ng chokepoint at  dragnet operation ang Lucena PNP subalit nagawa pa ring makatakas ng mga suspek.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply