Dating Pangulong Arroyo ipinalilipat ng kulungan

IGINIIT ng isang senador ang pagkansela sa hospital arrest ni dating Pangulo at ngayon Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo matapos mabisto na maayos na ang lagay ng kalusugan nito.

Ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, marapat lamang na alisin sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City ang dating Pangulo at ilipat ito sa ordinaryong detention facility ngayong lumalabas na maayos na pala ang pangangatawan nito.

Itinulak ito ni Pangilinan matapos humirit ang abogado ni Gng. Arroyo na si Raul Lambino na payagan man lang daw na makapaglaro ng golf ang dating Pangulo habang nasa VMMC ito, at makagamit ng laptop at cellular phone.

“Kung ganun, dapat itigil na ang kanyang hospital arrest. Kung kaya na niya mag-golf di na dapat siya nasa ospital,”giit ng senador.

“May pasyente ba na nakaratay sa ospital na naglalaro ng golf?” katuwiran pa niya.

Matatandaan na pinayagan ng Pasay City Regional Trial Court noong nakaraang taon na manatili sa VMMC ang dating Pangulo, imbes na sa mga ordinaryong detention facility, matapos makiusap ang huli na sa ospital siya idetine dahil sa maselang lagay ng kanyang pangangatawan.

Si Gng. Arroyo ay kinasuhan ng joint Comelec at DOJ panel ng electoral sabotage case kaugnay ng naging partisipasyon umano nito sa dayaan noong 2007 elections.

Payag naman si Sen. Gregorio Honasan na makapaglaro ng golf, makagamit ng laptop at cellphone ang dating Pangulo, basta’t babasbasan ito ng korte.

“Ok lang basta’t hindi labag sa security arrangement at kautusan ng korte ayon sa batas. Tayo namang mga Pilipino ay kilala na maawain, mapagbigay at makatao bilang Kristiyano,”ani Honasan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply