David hiniling na sibakin sa immigration

NANAWAGAN ang mga empleyado ng Bureau of Immigration kay Pangulong Benigno Aquino III na sibakin na sa puwesto si BI Commissioner Ricardo David dahil sa umano’y pagiging ‘diktador’ at pagpapatupad ng ‘militarization’ sa kawanihan.

Sa kanilang liham na ipinadala kay Aquino, ipinagdinan ng mga empleyado na hindi na nila masikmura ang mga pinaggagawa ni David, kasama na ang ilang matataas na opisyal ng tanggapan.

Naniniwala rin ang mga kawani na hindi magkakaroon ng kaunlaran sa immigration kung magpapatuloy ang mga kasinungalingan, panloloko at pagtatraydor sa kanilang hanay.

“A public official who ceases to enjoy the trust of the public and his employees as well, has no right to remain a public official,” ayon pa sa sulat ng mga ‘concerned employee’ na ipinadala kina Aquino, Justice Secretary Leila de Lima at Justice Undersecretary Jose Vicente Salazar.

Ayon pa sa mga kawani, hindi maaring ikumpara ang kasalukuyang liderato ng kawanihan sa mga naunang nanungkulan sa tanggapan, tulad nina dating Commissioners Rufus Rodriguez, Al Fernandez, Andrea Domingo, Miriam Defensor-Santiago, Roy Almoro, Marcelino Libanan at Roy Ledesma na mga tunay na pinagkatiwalaan at binigyan ng respeto ng mga empleyado.

“The present Board of Commissioners has long lost our respect and support. They were disliked by the majority, if not all of the populace in the bureau. Theirs is dishonesty, intimidation, and lust for power as well as self-interest and indiscriminate greed,” dagdag pa ng mga empleyado.

Naniniwala rin sila na inutil si David at iba pang opisyal na pamunuan ang ahensiya kaya’t dapat panagutin sa pagkakatakas ni Korean fugitive Kim Tae Dong noong Disyembre 24, 2011 sa Saint Luke’s Hospital.

Inihayag din ng mga empleyado na nakipagkita umano sina BI Associate Commissioner Salvador Mison at BI Legal Officer Archimedes Aldaba kay Kim noong Disyembre 23, isang araw bago pumuga ang dayuhang may kasong swindling sa Seoul, South Korea.

Kinumpirma rin ng mga empleyado ang mga nauna nang napaulat na ‘hinuthutan’ ng ilang matataas na opisyal ng kawanihan si Kim sa halagang US$10 milyon kapalit ng kalayaan ng puganteng Koreano.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply