BI kay De Lima: Report sa Korean fugitive ilabas

HINAMON ng mga opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration (BI) si Justice Secretary Leila De Lima na ilabas sa publiko ang resulta ng isinagawang imbestigasyon kaugnay sa pagtakas ng Korean fugitive sa kamay ng immigration jail guards sa Saint Luke’s hospital noong Disyembte 24, 2011.

Sa magkakahiwalay na panayam, sinabi ng mga opisyal at empleyadong kasapi ng Immigration Officers Association of the Philippines (IOAP) at ng Buklod ng mga Manggagawa sa BID (Buklod) na napapanahon na upang malaman ng publiko kung sinu-sino sa mga opisyal at kawani ng immigration ang nagpabaya sa kanilang tungkulin.

Matatandaan na inihayag noon Mayo 9 na hawak na ni De Lima ang ginawang imbestigasyon ng DOJ special panel sa pamumuno ni Quezon City Chief Prosecutor Daniel Lee kaugnay sa pagtakas ni Kim Tae Dong na may kasong swindling sa Seoul, South Korea.

Ayon pa sa kalihiim, ipinasa sa kanya ni Pangulong Aquino ang resulta ng ginawang imbestigasyon ni BI Associate Commissioner Siefgfred Mison hinggil sa usapin.

“Pero ibinigay din sa akin ni Pangulong Noy yun resulta ng internal probe para i-review and to set-up a separate fact-finding investigation and also to come up with my own recommendation,” pahayag pa ni De Lima sa isang panayam noong Mayo 9.

Ayon naman ng mapagkakatiwalaang impormante sa tanggapan ni De Lima na tinapos na ng kalihim ang pagrebisa sa report ng DOJ special panel at inaasahan na ilalabas ang rekomendasyon sa susunod na linggo.

Sinabi naman ng mga interesadong immigration official na isang buwan na ang nakalipas at hanggang sa ngayon ay nananatiling nakapako ang pangako ni De Lima na ilantad sa mamamayan ang resulta ng imbestigasyon.

Ayon pa sa mga ito, nakahanda rin silang magtungo sa tanggapan ni De Lima upang hilingin sa kalihim na tuldukan na ang usapin sa pagtakas ni Kim at kasuhan ang mga nagpabaya sa kanilang sinumpaang tungkulin.

“Kung hindi ngayon, kailan pa? Ito na ang tamang panahon para ilabas ni Secretary De Lima ang resulta ng imbestigasyon,” apela pa ng isang opisyal ng IOAP na tumangging pabanggit ang pangalan.

Ipinagdiinan naman ng isang opisyal ng Buklod na ang na ang pag-aatubili ni De Lima na ilabas ang resulta ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi ito makumpirma ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) bilang Justice Secretary.

Aniya, tumanggap sila ng impormasyon mula sa Kongreso na hindi umano nakapagbigay ng sapat na dahilan si De Lima nang tanungin ng mga mambabatas kung ano na ang resulta ng mga imbestigasyong ginawa ng kagawaran hinggil sa mga umano’y anomalya sa Bureau of Corrections at sa Bureau of Immigration.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply