DFA aminado na mahinang klase ang bagong pasaporte

INAMIN ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mahinang klase ang bagong labas na pasaporte dahil sa mahinang kalidad nito.

Gayunpaman, tiniyak din ni DFA Assistant Secretary at Spokesman Raul Hernandez na gumagawa na ng pamamaraan ang kanilang tanggapan at ang Bangko Sentral ng Pilipinas upang ayusin ang problema kung bakit madali itong mapilas kapag inilabas mula sa plastic o leather cover.

Ayon pa kay Hernandez, bagama’t isolated o iilan lamang na electronic passport o epassport ang may depekto, maglalagay na ang BSP production unit ng karagdagang spine reinforcement tape na siyang magseselyo sa mga pahina ng pasaporte upang hindi ito madaling masira o mapilas kapag inilabas mula sa plastic o leather cover.

Ang BSP production unit ang nag-iimprenta ng mga bagong pasaporte, batay na rin sa patakaran ng International Civil Aviation Organization (ICAO).

“The DFA and the BSP are well aware of this issue and have been taking steps to address involving detached covers and pages of the new epassport,” pahayag pa ni Hernandez matapos hingan ng reaksyon.

Sinabi rin ni Hernandez na bagama’t mahirap nang ‘baklasin’ ang bagong pasaporte, hindi naman ligtas sa sapilitang pananabotahe ang nasabing dokumento lalo na ng mga sindikato sa human trafficking.

Umapela rin ang kagawaran sa mga kababayan na nakatanggap ng mahinang klase na pasaporte na agad na isuko ang dokumento sa Office of the Consular Affairs (OCA) o sa iba pang DFA regional at mobile offices upang agad na mapalitan.

Nauna nang inihayag ni Marie Vistan, immigration deputy chief of operations sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na madaling masira ang bagong labas na pasaporte.

Aniya, halos araw-araw na ganito ang problemang natatanggap nila mula sa mga balikbayan na nagsasabing madaling masira ang hawak nilang bagong passport, lumuluwag ang mga pahina hanggang sa takip nito hanggang sa tuluyang nagkakahiwa-hiwalay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply