DFA: Pinoy na dinukot sa Kenya tutulungan na iligtas

TINIYAK ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kumikilos ang kanilang ahensiya upang mailigtas ang isang Pinoy na kabilang sa apat na aid worker na dinukot sa Dadaab Refugee Camp sa Kenya kamakalawa.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa inilalabas ng DFA ang pagkikilanlan ng biktima ngunit napag-alaman nilang namamasukan ito sa Norwegian Refugee Council (NRC) malapit sa border ng Somalia.

Bukod sa Pinoy na dinukot, kabilang din dito ang mga kasamahan nitong aid worker na taga-Canada, Norway, at Pakistan.

Kasama ring dinukot ang nagsilbing tsuper ng apat na isang Kenyan, subalit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Batay sa ulat na nakarating sa DFA, sinuyod ng military helicopter ang dinaanan ng mga suspect ngunit tanging abandonadong sasakyan na lamang ang kanilang natagpuan may 30-kilometro ang layo mula sa Dadaab.

Hinala ng mga awtoridad na nasa Somalia na ang mga suspect tangay ang apat na biktima.

Napag alaman na ang NRC ay sumusuporta sa 465,000 mga residente ng Dadaab complex na ikatlong bayan sa may pinakamaraming populasyon sa Kenya.

Nasangkot ang convoy ng NRC sa insidente sa Ifo 2 Camp sa Dadaab na ikinasugat ng dalawa na hindi rin iniulat ang mga pangalan.

Ayon pa sa DFA, ito na ang pinakahuling insidente ng pag-atake sa Dadaab complex kung saan ang nauna rito ay ang pagdukot sa dalawang Espanol na nagtatrabaho sa Medecins sans Frontiers, Montserrat Serra at Blanca Thiebaut na hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin silang bihag ng mga bandidong Shebab sa Somalia.

Hinihinala namang may kaugnayan ang grupong ito sa international terrorists group na Al-Qaeda.

Malaki ang hinala ng mga awtoridad na doon din dinala ang apat na huling biktima kabilang ang Pinoy.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply