‘Di pagsusumite ng campaign contributions gagawing election offense — Comelec

NAIS ng Commission on Elections (Comelec) na gawing isang election offense ang pagkabigo ng isang kandidato na magsumite ng report ng kaniyang campaign contributions and expenditures pagkatapos ng halalan.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., hinihiling nila sa Kongreso na i-criminalize o maging election offense ang hindi pagsusumite ng campaign contributions and expenditures upang matakot ang mga kandidato at mapilitan na magsumite ng kanilang report.

Alinsunod sa Republic Act 7166, bawat kandidato at treasurer ng political party ay kinakailangang magsumite ng itemized statement ng lahat ng contributions at expenditures nila sa loob ng 30 araw matapos ang araw ng halalan.

Nakasaad din sa batas na hindi papayagang makaupo sa puwesto ang mga nanalong kandidato na mabibigong makapagsumite ng report.

Ang mga mabibigo naman umano na maghain ng statement ay maaaring maharap sa parusang multang mula P1,000 hanggang P30,000. depende sa nais ng Comelec.

Aminado naman ang Comelec na walang kandidato ang naidiskuwalipika na dahil sa pagkabigong magsumite ng expenditure report at karamihan sa kanila ay nagbabayad na lamang ng multa.

Dahil dito, nais ng Comelec chief na gawing election offense ang naturang paglabag na may katapat na kaparusahang disenfranchisement, diskuwalipikasyon sa pag-upo sa anumang puwesto sa gobyerno at pagkabilanggo ng mula isa hanggang anim na taon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply