Dinukot na kabataan sa Quezon, aktibista, hindi NPA

PINASUBALIAN ng grupong KARAPATAN-Southern Tagalog ang inilabas na pahayag ng Armed Forces of the Philippines kaninang umaga na nagsasabing miyembro ng New People’s Army si Franklin Barrera, aktibistang kamakailan lang ay napabalitang dinukot ng militar.

Sa opisyal na pahayag ng KARAPATAN-ST, pinaninindigan nilang kabataang aktibista si Barrera mula sa Lopez, Quezon at hindi miyembro ng NPA.

Sinabi pa ni Colonel Eduardo Año, commander ng 201st Brigade,na mismong mga NPA din ang dumukot umano kay Barrera at hindi militar.

Matatandaang iniulat ng KARAPATAN-ST ang naganap na pagdukot kay Barrera ng mga hinihinalang sundalo noong Hunyo 7, sa Lopez, Quezon.

Sa salaysay ni Barrera, na nasa kanya mismong handwriting, sa KARAPATAN-ST, dumanas siya ng tortyur at matinding interogasyon sa kamay ng militar, subalit nagawang makatakas.

Madaling araw ng Hunyo 8 nang sunduin siya ng KARAPATAN sa isang ospital sa bayan ng Atimonan, Quezon.

Kahapon, Hunyo 10, bigla na lamang umalis si Barrera sa opisina ng Kabataan Partylist-Quezon sa Lucena City nang hindi nagpaalam at ngayong umaga, lumalabas na hawak na muli siya ng militar at nakatakdang humarap sa midya.

Ayon kay Glendhyl Malabanan, pangkalahatang kalihim ng grupo, anumang sabihin ni Barrera ngayon sa harap ng midya, hindi nito mababago na isa siyang aktibista.

“Hindi natin inaalis ang posibilidad na mabaliktad ang mga naunang pinahayag ni Barrera.  Hindi na bago ang maruruming taktika ng militar para baliktarin ang katotohanan. Kung matatandaan, ganito ang nangyari sa lima sa Morong 43. Pumanig ang lima sa miltar at napilitang sabihin na sila ay mga NPA. Para sa amin, walang kredibilidad ang AFP para sabihing nagsisinungaling kami. ”

Dagdag pa ni Malabanan, aktibong district coordinator ng Kabataan Partylist si Barrera  at tagapagtatag ng Save Bondoc Peninsula Movement. Aniya, makakapagpatunay dito ang mga kapwa aktibista ni Barrera. Mayroon ding salaysay na sinulat mismo ni Barrera at bidyo ng panayam ukol sa pagdukot sa kanya.

“Nananawagan kami kay Barrera na manindigan para sa katotohanan. Dapat niyang balikan na siya ay naging aktibista upang labanan ang kawalang-katarungan sa lipunan tulad ng ginagawa ng militar ngayon,” sabi ni Malabanan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply