Dirty Harry nagbabalik?

LALONG tumitindi ang galit ni Mayor Fred Lim kay Vice Mayor Isko Moreno dahil maging ang may 1,000 kawani nito ay nadamay na sa panggigipit ng tinaguriang “Dirty Harry” ng Maynila.

Ito ang usap-usapan ngayon sa lahat ng sulok ng Maynila dahil lumalabas na hindi lang si Isko ang target ngayon ni Mayor Lim kundi maging ang 28 konsehales na sumama sa bise alkalde sa paglipat kay dating Pangulong Joseph Estrada.

Malinaw naman kasi sa kautusang inilabas ni Judge Daniel Villanueva ng Manila Regional Trial Court na dapat nang pasahurin ang mahigit 1,000 kawani nina Isko at mga konsehal pero mukhang pahihirapan pa ito ni Lim sa pamamagitan ng paghahanap ng butas rito.

Sa utos kasi ni Lim sa kanyang mga cashier sa Treasurers Office, mahigpit nitong inaatasan na hanapan ng lahat ng dokumento ang mahigit 1,000 empleyado ni Isko at 28 konsehales.

Sa inilabas na “mandatory injunction” ni Villanueva ng RTC-Branch 49, malinaw sa desisyon nito na ang may karapatan lang sa appointment ng may 1,000 kawani ay si VM Isko.

Malinaw rin sa kautusan ng huwes na may perang inilaan ang Manila City Government para sa sweldo ng mga naturang kawani kaya’t walang dahilan para pigilin ito.

Maging ang akusasyon na karamihan sa mahigit 1,000 kawani ay “ghost employees” ay hindi kinatigan ng husgado dahil ang kawalang aksyon umano sa parte ni Lim na imbestigahan ang naturang isyu ay nangangahulugan lang na lehitimong kawani ang mga ito.

Hindi rin pinalampas ni Judge Villanueva ang mga pagburang ginawa sa mga pirma ng mga signatory gamit ang “liquid paper” matapos umanong lumabas ang EO 15 ni Lim.

May alokasyon, napirmahan na ang mga dokumento ngunit binura lamang at tama ang taong nag-appoint sa mahigit 1,000 kawani, ’yan ang punto ni Villanueva sa kanyang desisyon kaya’t marapat lang na ibigay na ang sweldo at huwag nang pahirapan ang mga kawaning ito kasama na ang kanilang pamilya na nadamay na sa sigalot ng maruming pulitika.

oOo

Sa mga nagnanais ng pagkalinga ng pitak na ito, maaari kayong mag-email sa barangayanni_isko@yahoo.com.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply