Divorce, RH at FOI bill prayoridad ng Kamara

PRAYORIDAD ng liderato ng Kamara ang Divorce bill at maaaring matalakay din ang Reproductive Health at Freedom of Information bill sa muling pagbabalik ng sesyon sa Hulyo.

Kapwa sinabi nina House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at Majority Leader Neptali Gonzales III na pabor sila sa panukalang diborsyo dahil mahalaga itong social bill na kailangang tutukan dahil hanggang ngayon ay nasa committee level pa lamang ito.

Ngunit walang katiyakan anila kung ang panukala ukol sa diborsyo ay papasa.

Isasabay din anila sa maaaring matalakay sa ikatlong regular na sesyon ng 15th Congress ang kontrobersyal na RH at FOI bill.

Inatasan na rin ni Belmonte si House Committee on Public Information Chairman Ben Evardone na madaliin ang pag-apruba sa panukala at pagbuo ng committee report.

Kinumpirma rin ni Belmonte na hindi maisalang ang RH bill sa botohan dahil sa taktika diumano ng mga tutol dito na pahabain ang interpelasyon.

Nilinaw naman ni Gonzales, na walang problema sa divorce bill subalit ang mahirap umano ngayon ay pagsabayin ito at ang RH bill dahil parang mistulang nakikipag-away na umano sila sa Simbahang Katolika.

Dahil dito, nanawagan ang kongresista sa mga anti-RH bill na mga kasamahan nito sa Kamara na hayaan na lamang na maituloy ang debate sa plenaryo at kapag na-terminate na ito ay saka na lamang sila magsasagawa ng amendment upang umusad na ang panukalang batas.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply