Dobleng sweldo ng mga guro, isinusulong ni Trillanes

ISINUSULONG ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes sa Kongreso ang panukalang batas na naglalayong doblehin ang sweldo ng mga guro sa pampublikong paaralan sa susunod na tatlong taon.

Sa ilalim ng kanyang panukala, nais ni Trillanes na gawing Salary Grade 20, mula sa kasalukuyang Salary Grade 11 ang sahod ng mga public school teacher.

Batay sa kasalukuyang Salary Standardization Act, ang Salary Grade 20 ay katumbas ng P36,567.00 kada buwan. Samantalang ang Salary Grade 11 naman ay P18,549.00.

Ayon kay Trillanes, nararapat lamang na taasan ang sweldo ng mga pampublikong guro bilang pagpapahalaga sa malaking kontribusyon nila sa bansa bilang taga-hubog ng ating mga kabataan, at bigyan sila ng karampatang sweldo na katumbas ng mga sakripisyong kanilang ginagawa.

“Itinuturing ang mga guro bilang taga-hubog ng ating kabataan at pangunahing nagsusulong ng sistema ng edukasyon. Ngunit isa sila sa may mga pinakamabababang sweldo bilang propesyonal sa bansa,” giit ni Trillanes.

“Sa madaling sabi, nararapat at kinakailangang itaas ang suweldo ng ating mga pampublikong guro bilang pagkilala sa kahalagahan at kritikal nilang papel sa ating lipunan,” dagdag pa niya.

Iminungkahi ni Trillanes na simulan na ng Department of Education (DepEd) ang paglikha ng budget proposal na magtatakda ng halagang maaaring gugulin para sa pagpapataas ng antas ng sweldo ng lahat ng mga pampublikong guro sa susunod na tatlong taon.

Ang nasabing proposal ay ipapasa naman sa Department of Budget and Management (DBM) na syang magrerebisa nito at magsusulong na maisama sa national budget para sa mga susunod na taon.

Sakaling maaprubahan at maging ganap na batas, kapwa ang DepEd at DBM ang magpapatupad ng panibagong Salary Grade para sa mga pampublikong guro batay na rin sa gagawing patakaran at regulasyon.

Gayunpaman, nilinaw ni Trillanes na ang pagtataas sa suweldo ay dapat angkop sa kwalipikasyon at haba ng serbisyong inilaan ng mga pampublikong guro at ito ay bukod pa sa anumang pagtaas ng sweldo na maaaring ibigay sa hinaharap.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply