DOH: 7 katao patay sa HIV-AIDS

UMAABOT na sa 1,032 ang HIV-AIDS cases na naitala ng Department of Health (DOH) ngayong taon na may pitong patay.

Ito’y matapos na iulat ng DOH na nakapagtala sila ng panibagong 233 bagong kaso ng sakit nitong Abril 2012 lang, na may isang patay.

Batay sa HIV and AIDS Registry ng DOH-National Epidemiology Center, walo sa 233 bagong kaso ng sakit na naitala ay full-blown AIDS na nang i-report sa DOH at isa sa kanila, isang 22-taong gulang na lalaki, ang nasawi.

Ang naturang bilang ay mas mataas ng 36% kumpara sa 171 kaso na naitala noong Abril, 2011.

Karamihan sa mga kaso o 97% ay mga lalaki at ang median age ay 27-anyos.

Pinakamaraming naitalang kaso sa National Capital Region na umabot sa 117, kasunod ang Central Visayas na may 16%, Calabarzon (15%), Central Luzon (5%) at Davao Region (4%).

Lumilitaw na 18 sa mga bagong kaso ng HIV-AIDS infection ay overseas Filipino workers na nahawahan ng sakit dahil sa pakikipagtalik.

Kaugnay nito, sinabi ng DOH na umaabot na sa 9,396 ang kaso ng HIV-AIDS na naitala ng DOH sa bansa simula nang gawin nilang regular ang monitoring sa sakit noong taong 1984.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply