DOH: Kaso ng dengue sa bansa umabot sa 32,193

UMAKYAT na sa 32,193 ang dengue cases na naitala ng Department of Health (DOH) sa buong bansa at 195 sa mga ito ang naitalang namatay mula Enero hanggang Hunyo 2 ng taong ito.

Ayon sa DOH, mas mataas ang naturang bilang sa naitalang kaso ng dengue na umabot lang sa 30,989 sa kahalintulad na petsa noong isang taon.

Batay sa pinakahuling tala ng DOH, umaabot sa 7,650 kaso ng dengue ang naitala sa National Capital Region (NCR), 5,552 naman sa Central Luzon at 4,508 sa Calabarzon.

Nabatid na sa Metro Manila, karamihan sa mga kaso ay mula sa Quezon City (2,111); Manila (1,420); Caloocan (840); Parañaque (519); at Pasig (478).

Ang mga nagkakasakit ay nasa edad wala pang isang taong gulang hanggang 90-anyos at karamihan ay mga lalaki na umabot sa 53 porsiyento ng kabuuang kaso.

“Forty percent of cases belonged to one to 10 years age group,” anang DOH.

Nilinaw naman ni Health Secretary Enrique Ona na hindi lamang sa Pilipinas nananatiling problema ang dengue kundi maging sa iba pang ASEAN countries tulad ng Myanmar, Cambodia, Brunei, Indonesia, Singapore, Thailand at Vietnam.

Tiniyak naman ng DOH na patuloy silang gumagawa ng mga hakbang upang masugpo ang dengue sa bansa.

Una nang nanawagan ang DOH sa mga mamamayan na maging vigilant laban sa dengue at sa lamok na nagdudulot ng naturang sakit, sa idinaos na 2nd ASEAN Dengue Day sa San Fernando, Pampanga nitong Hunyo 15.

Ang naturang petsa ay nabatid na idineklarang ASEAN Dengue Day noong 10th ASEAN Health Ministers Meeting sa Singapore noong Hulyo 22, 2010.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply