DPWH bantayan sa Marikina dam, dredging sa ilog

NABALITAAN n’yo na ba yung tungkol sa balak na Marikina Dam? Ang nasabing dam ay magkakahalaga umano ng P13 bilyon.

Ito ay magkakaroon ng mga retarding basins na magda-divert ng tubig mula sa Wawa at iba pang ilog patungo sa mga liblib na lugar na walang nakatira.

Maliban sa dam, may mga proyekto ang flood control master plan na gagawin ng tatlong taon sa halagang P9 na bilyon. Ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project ng DPWH ay pinondohan ng Japan International Cooperation Agency para maragdagan ang carrying capacity ng Marikina at Pasig Rivers sa pamamagitan ng dredging.

Ayon sa balita, tapos na raw ang dredging ng Pasig River mula Delpan hanggang Napindan Channel? Ha? Paano nangyari yon? Saan napunta yung lupa at burak na dapat ay na-dredge nila mula sa Pasig River?

May nakita ba tayong dredging machines o equipment na nakababad sa ilog ng ilang buwan? Itong dredging talaga ang pinakapaboritong pagkakitaan ng corrupt officials dahil mahirap itong i-audit.

Tama nga naman, walang nakakikita ng ilalim ng tubig kaya’t walang makasasabi kung may naganap na dredging.

Kung may naganap na dredging… eh ‘di dapat, mabilis na dumaloy ang tubig galing sa Marikina River nitong mga nakaraang pag-ulan. Tama po ba? Ganun po ba ang nangyari? Hindi!
Alam naman ng lahat kung anong damage at perwisyo ang nadulot sa atin ng nakaraang baha na dala ni ‘Ondoy.’

Kaya please lang, Lord … huwag Ninyo pong pabayaan na mahaluan ng kalokohan ang magandang project na ito. Buhay ng tao, maliban sa ari-arian, ang nakasalalay dito.

Nakatakdang ipatupad ang Phase 3 – ang dredging ng lower Marikina River – ito ang lugar na bandang Manggahan Floodway kung saan nakatayo ang kontrobersyal na Circulo Verde hanggang sa Marikina Bridge.

Ang final phase naman ay ang dredging sa Upper Marikina River hanggang sa Marikina control gate structure ng dam.

Bantayan po nating maigi ang proyektong ito para may totoong dredging at hindi masayang ang bilyon-bilyong pisong utang na tayo rin ang magbabayad.

Gamitin po natin ang ating cameras, video cams, cellphones, Facebook, Twitter, atbp. bilang proteksyon sa kalokohan na maaaring maganap.

Maraming salamat po!

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply