Drug pusher talamak sa payatas, kyusi

KAYA naman pala talamak ang shabu sa Payatas sa Lungsod Quezon, dahil sa dami ng mga drug pusher dito  pero bulag, pipi at bingi ang ilang tiwaling tauhan ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD).

Sa nakarating na impormasyon sa Lily’s Files mula sa ilang  residente ng Molave sa Payatas,  Quezon City, ay sinasabing isang nagngangalang “Bong” na umano’y labas-masok sa bilangguan dahil sa kaso ng ipinagbabawal na droga ang protektado umano ng ilang pulis na nakatalaga sa PS-6 at sa District Anti-Illegal Drugs (DAID) ng QCPD.

Lantaran umano itong si Bong kung magbenta ng shabu sa Molave sa Payatas dahil alam niya na kahit makita siyang nagbebenta ng droga ay hindi umano ito papansinin ng mga awtoridad.

Hindi lang pala itong si Bong ang lantaran kung magbenta ng droga riyan sa nasabing lugar kundi napakarami pa na ayon sa  ilan nating source ay mga  kumpare at kumare ng ating mga kapulisan.

Ilan umano sa mga hayagan kung magbenta ng droga ay sina alyas Lotus, alyas Jovi, alyas Ya-yang Taton, Dani Polis at itong si alyas Bong Palacio.

Kaya naman pala patuloy sa pagdami ng shabu sa nabanggit na lugar dahil bulag, pipi at bingi naman pala ang ating mga kapulisan dito sa Lungsod Quezon.

Kung ganitong  inutil naman pala ang mga tauhan ng DAID at PS-6 ng QCPD, bakit hindi masibak-sibak ang mga hepe rito na sina Chief Inspector Richard Ang, ng DAID at Supt Ronie Montejo, ng PS-6, na napag-alamang kaanib ng isang malaking relihiyon kung saan ay kaanib din si QCPD Director, General Mario Dela Vega.

Ay naku, Gen. Dela Vega, siguro naman ay alam mo na ilan sa ating mga nakapuwestong opisyal ay nagpa-convert na lamang ng kanilang relihiyon para lamang maipuwesto ninyo nang maganda.

Aminin man natin o hindi ay yan na ang kalakaran ngayon sa Philippine National Police (PNP) partikular na rito sa Quezon City kung saan ay naghahari ang  kanilang kinaaanibang relihiyon.

At ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit laganap sa Payatas ang droga dahil karamihan din umano sa mga pusher dito ay kaanib ng maimpluwensiyang relihiyon.

Nananawagan ang mga residente ng Molave sa Payatas sa tanggapan ng  Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kumilos na sila dahil hindi umano kaya ng mga tauhan ng QCPD na hulihin ang mga kilabot na drug pusher.

Ret. Gen. Pedrito Magsino, sir, huwag ninyo sanang balewalain ang pakiusap ng mga taga Payatas upang sa ganun ay maisalba pa ang marami nating mga kabataan dito na sinasabing unti-unti nang nagugumon sa droga.

oOo

Bukas po ang Lily’s files Column natin para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento, mag-text lang po sa  0915568-3000 at 09087230036 o kaya ay mag- email lang sa lpr_2012@ya-hoo.com.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply