Drugstore hinold-up sa Las Piñas

SINAMSAM ng mga armadong holdaper ang kinita ng isang botika kung saan ay hindi rin nito pinatawad na sikwatin maging ang bantog na gamot na pampatigas nang magsagawa ng panghoholdap kamakalawa ng gabi sa Las Pinas City.

Nakatakda na sanang magsara ang Miana Drug Store na nasa kanto ng M. Alvarez at Golden Acres Subdivision, Brgy Talon 1 dakong alas-8:50 ng gabi nang bigla na lamang mag-anunsiyo ng holdap ang isa sa mga suspect na una ng nagpangap na customer.

Sa kanyang pahayag kay PO3 Danilo Esguerra, Jr. imbestigador ng Investigation Section ng Las Pinas Police, sinabi ni Karen Joy Ibac, 23, sales clerk ng naturang drug store na nag-iimbentaryo na siya ng maghapong benta at nakatakda ng magsara nang pumasok ang isa sa mga suspect at nagkunwaring bibili ng gamot.

Nagulat na lamang si Ibac nang maglabas ng baril ang suspect at nag-anunsiyo ng holdap bago mabilis na sinamsam ang hindi pa batid na halaga ng salapi sa kaha. Hindi pa umano nasiyahan sa nakulimbat na salapi, dinaklot din ng suspect ang bantog na gamot na pampatigas bago nagmadaling tumakas, kasama ang dalawa pa niyang kasabuwat na nagsilbing look-out.

Hindi naman kaagad nagbigay ng pahayag ang hindi pa nakikilalang may-ari ng botika hangga’t hindi pa nila nababatid kung magkano ang halaga ng salapi at gamot na natangay ng mga holdaper.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply