Erap nais makipagkita kay Koko

GUMAGAWA ng paraan si dating Pangulong Joseph Estrada na makausap si Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel III upang ipaliwanag sa senador ang dahilan kung bakit kailangan itong manatili sa senatorial ticket ng United Nationalist Alliance (UNA), kasama si dating Sen. Juan Miguel Zubiri.

Sa isang panayam, sinabi ni Estrada na bagama’t handa siyang kausapin si Pimentel, hindi naman magkatugma ang kanilang mga oras para sa isang ‘usapang lalaki.’

“Ginagawa ko na ang lahat para makausap siya (Pimentel). Humingi ako ng appointment sa kanya subalit tila hindi magkasundo ang aming mga schedule,” pahayag pa ni Estrada.

Inatasan din ng dating Pangulo si UNA spokesman JV Bautista na aregluhin ang pagkikita nila ni Pimentel na halos isang buwan na niyang hindi nakikita.

Iminungkahi rin ni Estrada kay Pimentel na matutong magpatawad at kalimutan na ang nakaraan, tulad ng ginawa nitong pagpapatawad sa mga taong naging bahagi sa pagpapatalsik sa dating Pangulo noon 2001.

Aniya, wala siyang karapatan na tanggalin sa alyansa ang sinuman dahil ito ay binubuo ng dalawang partido, ang Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) at ng Partido Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-LABAN) kung saan siya at sina Vice President Jejomar Binay at Senate President Juan Ponce Enrile ang bumubuo ng UNA executive committee.

Ikinalungkot din ni Estrada ang naging pahayag ni Pimentel na dapat kasama sa mga kinasuhan ng electoral sabotage si Zubiri.

“Out of the cheating, maybe he (Zubiri) benefited from that. It is saddening. I hope he will reconsider his (Koko) plans. Both of them are still young. Migz is willing to fight against corruption. I cannot let Koko go. Inaanak ko siya,” dagdag pa ni Estrada.

Inihayag din ng dating Pangulo at ngayo’y nagbabalak kumandidato bilang alkalde ng Maynila na kasama sa senatorial slate ng alyansa sina Zambales Rep. Mitos Magsaysay at Cebu Gov. Gwen Garcia.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply