Expiry date sa gift certificates, checks ipinagbawal ng DTI

IPATUTUPAD na ng pamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Administrative Order No. 10-40 na nilagdaan ni Secretary Gregory Domingo na nagbabawal na sa pagtatakda ng expiration date o pagkapaso ng mga gift certificates at gift checks na binayaran na ng mga consumers.

Ayon kay DTI Undersecretary Zenaida Maglaya, nilagdaan ang naturang kautusan noon pang Hunyo 25, 2010 at sapat na ang mahabang panahon ng pagpapahatid ng impormasyon sa mga supplier upang maipatupad na ito sa Hulyo 1 ng kasalukuyang taon.

Sa naturang kautusan, hindi na pahihintulutan ng DTI na magtakda ng expiration date o pagkapaso ang mga gift certificates at gift checks dahil kahalintulad na rin ito ng cash na nabayaran na sa supplier ng mga consumers.

Gayunman, sinabi ni Maglaya na ang lahat ng mga gift certificates at gift checks na mapapaso bago ang Hulyo 1, 2012 ay kinakailangan ng gamitin habang ang mga gift certificates at gift checks naman na may expiry date ng lagpas sa Hulyo 1 ay puwedeng dalhin sa supplier at papalitan ng walang expiry date.

Hindi naman kabilang sa naturang kautusan ang mga gift checks, vouchers, cards o certificate na konektado o ini-isyu dahil sa isang promotion. “Ang promo kasi ay mayroong palugit o hangganan kaya kapag ang promo ay natapos na, yung kanilang gift checks ay tapos na rin kaya may expiry date yan,” pahayag ni Maglaya sa radio dzmm.

Kabilang din sa hindi sakop ng naturang administrative order ang mga gift certificate na ibinahagi sa isang kawani bilang pabuya o reward dahil sa kanyang katapatan sa paglilingkod sa kompanya.

Sinabi ni Maglaya na may expiry date ang gift certificate na ipinagkaloob sa isang kawani bilang isang pabuya kaya’t kinakailangan nilang gamitin ito bago pa mapaso.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply