Farinas inindorso ng Movement 188 sa pagka Senador

ININDORSO ng House Bloc na Movement 188 si Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas sa pagka-senador sa darating na 2012 midterm elections.

Kinumpirma ito ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone sa isang press conference at aniya’y patuloy nilang hinihimok si Fariñas na tumakbo sa halalan.

Paliwanag ni Evardone na walang kwestiyon ang kakayahan ni Fariñas at hindi rin matatawaran ang naging kontribusyon nito sa impeachment trial laban sa napatalsik na si Dating Chief Justice Renato Corona.

Matatandaang maraming bumilib kay Fariñas, kabilang na ang mga senator-judges, noong huling araw ng impeachment proceedings at naging popular pa ang termino nitong “palusot.”

Gayunman, nilinaw ni Evardone na wala pa raw pasya si Fariñas kung sasali sa senatorial race.

Sinabi raw ni Fariñas na pinag-iisipan pa nito kung kakandidato bilang senador o babalik sa pagka-gobernador ng Ilocos Norte, lalo’t huling termino na niya bilang kongresista.

Kaugnay nito, inihayag ni Evardone na bukod kay Fariñas, ini-endorso rin ng Movement 188 sa pagka-senador ang mga pambato ng Liberal Party na sina Aurora Rep. Sonny Angara, Deputy Speaker Erin Tanada, Customs Commissioner Ruffy Biazon, dating Akbayan Rep. Rissa Hontiveros at Tesda Secretary General Joel Villanueva.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply