‘Favoritism’ sa immigration ininguso kay PNoy, De Lima

INILAPIT na ng mga empleyado sa Bureau of Immigration (BI) kay Pangulong Benigno Aquino III at kay Justice Secretary Leila De Lima ang umano’y nagaganap na ‘favoritism’ o pagbibigay ng pabor ng mga matataas na opisyal sa iilang personalidad sa kawanihan.

Sa kanilang liham na ipinadala rin kina Vice President Jejomar Binay, Senate President Juan Ponce Enrile, Senators Francis ‘Chiz’ Escudero at Miriam Defensor Santiago, idinetalye ng mga hindi nagpakilalang empleyado ang mga umano’y milagro sa pagpili ng mga hihiranging kawani na magiging permanente sa kawanihan.

Kabilang sa inirereklamo ay ang pagkuha ng isang nagngangalang Maria Angelica Pedro, isang confidential agent at secretary ni BI Associate Commissioner Siegfred Mison, ng eksaminasyon para sa posisyon Immigration Officer I.

Sa kanilang sulat, sinabi ng mga empleyado na si Pedro ang naghanda ng mga katanungan para sa nasabing pagsusulit at tumayong ‘proctor’ o tagapamahala sa eksaminasyon noong Abril 27, 2011.

“In the afternoon however, she discreetly took the exam under Examinee Number 00528. This situation is tainted with dishonesty and violation of ethical standards. It is also absolutely immoral,” pahayag pa ng mga nagpakilalang ‘concerned employees’ sa kanilang sulat na ibinigay din kina Ombudsman Conchita Carpio-Morales, Iloilo Rep. Niel Tupas, Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez at Civil Service Chairman Francisco Duque III.

Bukod sa nasabing ‘maanomalyang’ insidente, ibinulgar din ng mga kawani na may dalawa pang ‘bata’ umano ni Mison na nakilalang sina Sharif Guerra at Ian Panganiban ang pinayagan umanong makasama sa listahan ng mga dadalo sa isang seminar para sa mga kukuning Immigration Officer kahit na hindi dumaan ang mga ito sa tamang proseso.

Ayon sa sulat, ang pagpili kay Guerra ay tahasan paglabag sa memorandum order ni Commissioner Ricardo David Jr. na nagsasabing ipinagbabawal ang pagkuha ng empleyado na may kamag-anak na sa kawanihan, dahil pamangking buo ito ng isang opisyal sa tanggapan.

Bukod kay Guerra, siyam mula sa kabuuang 50 aplikante sa pagiging immigration officer ang may kamag-anak na opisyal at empleyado sa kawanihan.

Kinondena rin ng mga empleyado ang umano’y walang-awang pagsibak sa mga confidential agent (CA) dahil lamang sa mga walang basehang ‘derogatory records’ na ibinibigay ni Atorni Grace Lara, ang tumatayong Chief of Staff ni David.

Wala naman ibigay na reaksyon si Atorni Maria Antonette Bucasas-Mangrobang, ang tapagsalita ng kawanihan, sa mga nasabing alegasyon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply