Game 3: Thunder winasiwas ang Spurs

TINULDUKAN ng Oklahoma City Thunder ang pamamayagpag ng San Antonio Spurs matapos ang 102-82 panalo ng una sa Game 3 ng NBA Western Conference Finals kaninang umaga.

Huminto sa 20th winning streak ang Spurs ng kumislap si Kevin Durant ng 22 puntos, anim na rebounds at limang assists.

Ganunpaman, angat pa rin ang San Antonio, (2-1) sa kanilang best-of-seven series subalit inaasahang gaganahan pa ring maglaro ang Thunder sa Game 4 dahil sa Oklahoma gaganapin ang laban.

Tumulong din sa opensa ng Thunder si Thabo Sefolosha na tumikada ng playoff career-bests 19 points at tig-anim na steals at rebounds.

Kumana rin si Thunder bench player James Harden ng 15 points, apat na boards at tatlong assists habang si Serge Ibaka ay nagtala ng 14 pts. at 10 puntos ang binakas ni Russell Westbrook.

Naitala na ng Spurs ang NBA record para sa winning streak mula regular season hanggang playoffs subalit importante sa kanila ngayon ay manumbalik ang kanilang opensa.

Gumawa lamang ng tig-16 markers sina Tony Parker at Stephen Jackson para sa Spurs habang si star player Tim Duncan ay naglagak lang ng 11 pts.

Minalas si Duncan sa Game 3 ng magtala ito ng 5-for-15 sa shooting maging si Manu Ginobili ay hirap makasalpak ng puntos.

Walong puntos lang ang nagawa ni Ginobili matapos ang 1 of 5 sa field goal.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply