Globe Telecom kakasuhan

NAGBANTA ang ilang postpaid subscribers ng Globe Telecom na kakasuhan nila ang naturang kompanya dahil sa pagpapakalat at pagbibigay ng kanilang cellphone number sa iba’t ibang kompanya na nag-aalok ng iba’t ibang investment.

Ayon sa ilang Globe postpaid subscribers, malaking katanungan sa kanila kung paano napupunta ang kani-kanilang cellphone number sa iba’t ibang indibidwal na nag-aalok ng mga insurance, loan at kung ano-ano pang investments.

Sinabi pa ng mga source na ayaw magpabanggit ng pangalan na malaki ang kanilang paniniwala na may kinalaman ang Globe sa pag-leak ng kanilang cellphone number, lalo na ang kanilang personal na kita, dahil ang mga detalyeng ito ay eksklusibo lamang nilang isinusumite sa Globe.

“Mahirap kasi kung basta-basta na lang naikakalat ang detalye ng pagkatao o pagkakakilanlan mo kaya dapat ay magkaroon naman ng sense of responsibility ang kompanyang napagbigyan ng datus ng pagkatao lalo na kung magkano ang kinikita ng isang subscriber,” ayon sa source.

“Kumpiyansa at tiwala ka na hindi naibibigay kaninoman ang detalye ng pagkatao sa sandaling isumite ito bilang requirement para maging subscriber ng Globe Telecom, subalit ibang usapan na kung mistulang inilalako na ang detalyeng ibinigay tungkol sa iyong pagkatao,” dagdag pa ng source.

Anila, sa sandaling makapangalap pa ng karagdagang ebidensya laban sa Globe Telecom sa pagpapakalat o pagbibigay ng cellphone number ng kanilang postpaid subcribers at sa sandaling maaprubahan bilang ganap na batas ang Data Privacy Act, hindi sila mangingiming kasuhan ang naturang kompanya.

Ang Data Privacy Act ay may kaparusahang pagkakulong ng dalawang taon at apat na buwan hanggang limang taon na may multang hindi bababa sa P500,000 na hindi na hihigit sa P2 milyon sa breach of confidentiality.

Hinihintay na lang ang lagda ng Pangulo para maging ganap na ang batas ang Data Privacy Act makaraang ratipikahan ng Kamara at Senado ang bicameral conference committee report na nagre-reconcile sa House Bill 4115 at Senate Bill 2965 nitong Hunyo.

Nakasaad sa batas ang pagbuo ng National Privacy Commission sa ilalim ng Department of Transportation and Communications. Beth Aragon

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply