Grupo sa AFP: Ilitaw si Gen. Palparan

NAGLUNSAD ng kilos protesta ngayong araw sa harap ng headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang grupong Karapatan, Desaparecidos at iba pang mga organisasyon, para ipanawagan sa AFP na ‘isuko na si Gen. Jovito Palparan.’

“Dapat niyang (Palparan) harapin ang mga kaso niya sa korte at makulong!” sinabi ni Mary Guy Portajada, pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos.

Ginawa ng mga grupo ang protesta kasabay ng paggunita ng United Nations International Day to Support Victims of Torture.

Inilunsad din ng Karapatan at ng mga panrehiyong tsapter nito ang “Mga kampo buksan, ilabas si Palparan!”

Ayon kay Tinay Palabay, tagapagsalita ng Karapatan, layuning ng grupo na igiit sa gobyernong Aquino na “tigilan na ang satsat at seryosohin ang paghahanap sa isa sa mga pinaka-notoryus na human rights violator sa bansa.”

Anim na buwan na mula nang isyuhan ng arrest warrant si Palparan ng Malolos Regional Trial Court, ngunit hanggang sa ngayon ay wanted pa rin ang retiradong heneral na tinaguriang ng mga aktibistang “berdugo” dahil sa mga kaso nito ng paglabag sa karapatang pantao.

Si Palparan ang pinuno ng 7th Infantry Division ng Philippine Army na nag-ooperasyon sa Central Luzon nang dukutin ang dalawang estudyante sa Hagonoy, Bulacan.

“Nakabibingi ang katahimikan ng gobyernong Aquino sa tanong ng taumbayan kung nasaan si Palparan. Naniniwala kaming kinakanlong si Palparan ng mga maimpluwensyang tao kapwa sa gobyerno at mga insitusyong militar. Ito lang ang posibleng dahilan kung bakit hindi mahanap at maikulong si Palparan,” dagdag pa ni Palabay.

Sa Central Luzon, naglunsad  din ang grupo ng isang rali sa tapat ng Camp Servillano Aquino sa Tarlac, kung saan nakahimpil ang AFP Northern Luzon command.

Samantala, pumuwesto naman ang Karapatan-Southern Tagalog sa Camp Guillermo Nakar sa Lucena City kung nasaan ang Southern Luzon Command headquarters, na inirereklamo rin ng mga residente dahil sa samu’t saring pang-aabuso na ginagawa ng mga sundalo sa probinsya ng Quezon.

Sa Cebu City, nagsagawa ng kilos protesta ang Karapatan-Central Visayas sa harap ng Camp Sergio Osmeña sa Cebu City para kondenahin ang mga pamamaslang sa rehiyon at sa ginagawang tortyur kay Ramon Patriarca, isang bilanggong pulitikal at consultant ng National Democratic Front na nakadetined sa AFP Central Command sa Cebu.

Magkakasabay namang nagdikit ng mga poster na “Wanted Palparan” ang mga tsapter ng Karapatan sa Cordillera, Davao, Bicol, Ilocos, at CARAGA.

Nanawagan din ang grupo sa mga gumagamit ng Facebook na palitan ang kanilang mga profile picture ng “Wanted Palparan” poster.

“Sobrang haba na ang anim na taong paghihintay na bumalik si Karen at Sherlyn sa amin. Ang nais na namin ay maparusahan si Palparan at Gloria Macapagal-Arroyo sa mga ginawa nilang krimen sa mga mahal namin sa buhay,” ani Linda Cadapan, ina ni Sherlyn.

“Kupas na ang t-shirt ko,” puna ni Connie Empeno, sa kamiseta niyang may litrato ng kanyang anak na si Karen, kasama si Sherlyn Cadapan, na may katagang “Ilitaw, Palayain!”

Anim na taon na ang nakaraan mula nang unang isuot ni Connie ang kamiseta, sa paghahanap sa mga kampo at pagdalo sa mga rali kasama ang kapwa inang si Linda Cadapan, para hanapin ang kanilang mga nawawalang anak.

Ayon pa sa Karapatan, hindi na sila nagugulat na hindi maparusahan ng gobyerno si Arroyo at Palparan. “Sa unang dalawang taon ng administrasyon ni Aquino, ipinagpatuloy nito ang paghahasik ng takot at dahas ng mga military sa ilalim ng counter-insurgency plan na Oplan Bayanihan,” sinabi ni Palabay.

Nagtala ang Karapatan ng 76 biktima ng pamamaslang at 96 na biktima ng tortyur, habang papatindi ang operasyong military sa maraming probinsya sa bansa.

Iginiit ng grupo na itigil na ang tortyur, extrajudicial killings, enforced disappearances at iba pang paglabag sa karapatang pantao.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply