Gulo ang tabakuhan sa Batangas

MISTULANG “hinalong kalamay” ang operasyon ng mga iligal na pasugalan sa Batangas dahil sa atas ni PNP Region 4-A Director, Chief Sup. James V. Melad na mahigpit na ipatupad ang One-Strike Policy ng PNP sa nasabing rehiyon, ibig sabihin ang sinomang matigas ang ulo na provincial director, sampu ang mga hepe ng kapulisan na nasa ilalim ng kanyang pamumuno at superbisyon, ay agad na masisibak sa kani-kanilang tungkulin kapag nahulihan ng mga iligalistang nagpapatakbo o sangkot sa illegal gambling.

Agad namang tumalima ang mga provincial director sa direktiba ni Melad kaya’t nagkukumahog ang mga ito para lubusang pahintuin ang operasyon ng lahat na uri ng pasugal, mula sa peryahan na pulos sugalan o pergalan, jueteng at STL bookies, saklaan, tupada at maging operasyon ng buriki ay nagsihinto ng kanilang iligal na operasyon at kabilang nga ang mga gambling lord at mga kaporal ng mga ito sa Batangas ang naapektuhan.

Nagulo ang tabakuhan at nawalan ng delihensya ang mga kolektor ng intelihensya ng ilang tiwalang PNP officials mula sa Camp Crame, sa PNP Regional Command, sa CIDG at hanggang sa pinakamababang hanay ng PNP operating units. Maging ang raket ng isang retiradong police sergeant at pumupustura rin na hao shao na media at dating kolektor ng isang PNP Region 4-A director ay nabokya rin.

Ang karamihan sa may 31 bayan at tatlong siyudad sa Batangas ay agad na nalinis laban sa operasyon ng mga iligal na pasugalan at ito ang naging dahilan para saluduhan ng kolum na ito sina Director Melad at PNP Pro-vincial Director Sr. Supt. Rosauro Acio.

Sana lubus-lubusin na ni Gen. Melad at Sr. Supt. Acio ang kanilang kampanya laban sa mga iligalista at isama na ang paglansag sa operasyon ng bookies ng EZ 2 ng magkapatid na Roy at Brgy. Kagawad Rio Gayapanao na nakabase sa Barangay Lipon-pon, Isla Verde, Batangas City. Ginagamit na panduro sa mga pulis at barangay officials nina Gayapanao ang pangalan ni Batangas City Police Chief Supt. Nicolas Deloso Torre at ipinangangalandakan pa ng mga ito na may lingguhang parating ang mga ito kay hepe para malayang makapag-operate ng kanilang iligal na pasugalan sa may anim na barangay sa naturang Isla.

Ang isa pang hindi dapat na pahintulutan o kunsintihin nina Melad at Acio ay ang nakagawiang pagpapatakbo ng tupadahan sa ilalim ng tulay sa Brgy. Pallocan West, Batangas City tuwing buwan ng Hulyo bago du-mating ang selebrasyon ng Founding Anniversary ng naturang lungsod.

Nakagawian na taon-taon, halos isang buwan pa lamang bago ang July 23 Founding Anniversary celebration ng Batangas City ay kinukunsinti ng lokal na pulisya ang pagpapatupada na hindi kalayuan sa Mabini Plaza at Immaculada Concepcion Church sa Batangas City Proper na ilang metro lamang ang agwat sa headquarters ng Batangas City Police sa Batangas City Proper.

General Melad at Col. Acio, mga sir. ito ang isang malaking pagsubok at isang surot sa inyong liderato kapag sa darating na Hulyo ng susunod na buwan ay pahihintulutan ninyo na makapamayagpag ang operasyon ng tupadahan na mayroon ding color games, baklay, beto-beto atbp. sa nasabing lugar sa Batangas City.
‘Di natin bibitawan ang pagmanman sa kaganapan diyan sa lalawigan ni Ate V.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply