High tide, siyam-siyam na ulan at tubig ng dam

NAGKABAHA-BAHA ang maraming lugar hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba pang lugar gaya ng Rizal at Bulacan nitong nagdaang mga araw.

Sa mga lugar na gaya ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela, nagsalubong ang high tide at magdamag hanggang umaga na ulan noong Lunes.

Sa bahagi ng Quezon City, Marikina at Rizal, naghalo naman ang tubig mula sa ulan, pinakawalang tubig ng Ipo Dam at high tide din umano.

Naghalo naman ang siyam-siyam na ulan at pinakawalang tubig ng Ipo Dam ang bumaha sa ilang bayan ng Bulacan gaya ng Sta. Maria at Bocaue.

PATIKIM LANG

Kung iisipin, patikim o panimulang senaryo lang ang naganap noong Lunes kaugnay ng tag-ulan na markado ng mga siyam-siyam na ulan at mga bagyo.

Nagkagulo-gulo ang buhay natin noong Lunes.

Paano kung talagang mag-uulan na ng sabihin nating isang linggo na tuloy-tuloy.

Paano kung mag-uulan na bunga ng mga kambal na bagyo na nagtatagal sa loob ng ilang linggo?

Eh di lalong magkakandaloko-loko ang buhay ng marami?

MAG-AARAL NAPINSALA

Noong Lunes, unang natamaan ang mga mag-aaral.

Ang daming para sa mga Nursery, Preparatory at Kindergarten pupil ang pinauwi ng mga teacher.

Nagkandaloko-loko rin ang utos sa mga nasa elementarya at high school.

May hindi pala malinaw kung sino-sino ang mga magdedeklara ng wala o mayroong pasok.

Yun bang === kung ang mga awtoridad sa schools o mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan.

Yung ibang mga utos ay sobrang late na kaya napasubo sa mga baha at trapik.

NEGOSYANTE NAPINSALA RIN

Dahil sa mga baha na sumulpot kung saan-saan, ang delivery ng mga produkto at serbisyo ay nagkandaloko-loko rin.

May mga trapik nang katakot-takot, may mga lumubog pa sa baha o nasiraan na mga delivery truck.

Napakalaki ang nagastos ng mga ito sa napakamahal na petrolyo sa tuloy-tuloy na andar ng kanilang mga sasakyan sa gitna ng mga trapik at baha, bukod pa sa mga nasirang piyesa ng mga

SASAKYAN, MGA OBRERO NATAMAAN DIN

Marami namang obrero sa gobyerno at pribadong kompanya ang late o hindi na natuloy na pumasok sa kanilang mga opisina o pinagtatrabahuhan dahil sa trapik.

Kung tatapatan ng halaga ang nasayang na oras ng trabaho, milyon-milyong piso ito, mga Bro.

NAIPIT NA MGA AMBULANSYA

Habang nagaganap ang mga trapik at baha, may nakita pa nga tayong ambulansya na hindi basta nakaalis sa kinalalagyan nito.

May laman ba iyon na maysakit o nanganganak kaya itinatakbo sa ospital?

Tinawag ba ito para sumaklolo sa mga inatake sa puso at itakbo sa ospital?

Yun ang ilan sa mga naging katanungan sa ating utak habang nagwawangwang ang naipit sa trapik at baha na ambulansya.

MAS MALALANG BAHA AT TRAPIK

Aasahan na natin na habang papasok nang papasok ang mahal kong Pinas sa tag-ulan, lalo tayong mahaharap sa mas mahirap na problema sa trapik at baha.

Batay sa karanasan sa Metro Manila, hindi tayo naniniwala na malaki na ang ipinagbago ng pagbabaha at trapik dito.

At ang masama, kung tinamaan ang Metro Manila ng mga grabeng baha at trapik, nakupo, ang Calabarzon at Central Luzon ay tinatamaan na rin.

Ganyan kalaki ang area ng mga napipinsalang lugar sa mga oras na bumubuhos ang ulan o kung may mga malalakas at kambal na mga bagyo na umaatake sa Pinas.

Milyon-milyong katao, mga Bro, ang napipinsala.

At kung nagaganap ito, gaano kalaki ang pinsala na idinudulot nito sa ating ekonomiya, kabilang na ang ekonomiya ng mga pamilya?

SOLUSYON SA PROBLEMA

Nasaan na nga pala ang sinasabing epektibong mga solusyon sa mga pagbaha na  galing sa high tide o siyam-siyam na ulan o tubig mula sa mga dam?

Ang nasasaksihan natin, tuloy-tuloy ang pagkalbo sa kagubatan sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan.

Tuloy ang mga programa na pangkaunlaran na pumapatag sa mga bundok at nagwawalis sa mga punongkahoy.

Kaya naririyan ang mga grabeng pagbaha.

Hanggang ngayon, nanatili pa ring hindi kumpleto ang Mega Flood Control Project na kokontrol sa pagbaha sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.

Waepek naman ang mga naglalakihang drainage dahil bukod sa tubig na laman ng mga ito, sinasarhan din ng mga putik at basura.

TULONG NG MAMAMAYAN

Tanggapin man o hindi ng pamahalaan, maraming kapalpakan ito.

Dito na kailangan ang pagkilos ng mamamayan.

Kabilang sa mga dapat na bantayan ng mamamayan ang walang habas na gawain ng mga nasa gobyerno na pagpapahintulot sa mga kumakalbo sa mga kagubatan.

Dapat ding itulak ang pamahalaan na pabilisin ang mga proyektong panlaban sa baha.

Dapat ding bantayan ng mamamayan ang walang kapararakang paggastos ng pondo ng gobyerno para sa mga proyektong basta naisip lang ng mga opisyal upang sila’y kumita.

Nasaan na nga rin pala ang mga proyektong reforestation sa halip na deforestation?

At yang disiplina sa basura, dapat na mahigpit matutunan at maipatupad mismo ng mamamayan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply