Huwag presyuhan ang ating kalikasan

NAGMARTSA ang mga miyembro ng maka-kalikasang partido hanggang sa embahada ng US at doon naglunsad ng programa kasama ng iba’t ibang organisasyon bilang pakikiisa sa Global Day of Action sa pagbubukas ng ikalawang United Nations Conference on Sustainable Development (o Rio+20) sa Rio de Janeiro, Brazil.

“Hindi dapat pinepresyuhan ang kalikasan upang ibenta sa iilan”. Ito ang mensahe ng mga miyembro ng Kalikasan Partylist sa kilos-protesta sa harap ng embahada ng US sa Manila.

Ang Rio+20, isang kapulungan na naglalayong itakda ang landas ng pandaigdigang ekonomiya, ay magaganap mula Hunyo 20-21, 2012. Ito ang unang malaking pagtitipon ng mga gobyerno ng iba’t ibang bansa pagkatapos ng unang Rio Earth Summit noong 1992, dalawang dekada na ang nakalipas.

Nasa Rio de Janeiro ang ilan sa kanilang mga lider upang dalhin ang panawagan ng mamamayang Pilipino sa loob at at labas ng kumperensiya. Kabilang rito ang Presidente ng Kalikasan Partylist Clemente Bautista, Jr. at Secretary-General Frances Quimpo.

Tinutulan ng grupo ang mungkahing “Green Economy” na itinutulak ng mga malalaking bansa at mga korporasyon sa Rio+20. Upang makamit diumano ang balanse ng pagunlad at ng kalikasan, kailangang lapatan ng “market-based” at diumanong maka-kalikasang teknolohiya, konsepto at produkto ang 11 susing sektor ng ekonomiya: agrikultura, pangisdaan, tubig, gubat, enerhiya, manupaktura, basura, imprastraktura, transportasyon, turismo at mga syudad.

Tinataya ng mga nagsusulong nito na kailangang pinansyahan ang pagtungo ng mundo sa Green Economy sa halagang aabot ng 2 porsyento ng pandaigdigang GDP. Pero sa halip na ipatiyak sa mga estado ito, ang tinutulak na mga mekanismong pampinansya ay sa pamumuhunan ng mga korporasyon na nakabatay sa dikta ng pamilihan, ani Quimpo.

Kasama sa Green Economy ang mungkahing lagyan ng presyo ang mga rekurso at serbisyo ng kalikasan (katulad ng hangin, tubig, hayop at halaman) at mga maka-kalikasang kaalaman at praktika ng mga tao (katulad ng katutubong pagsasaka) upang madaling ilako ang mga ito sa pamilihan. Nangangahulugan ito ng higit pang pribatisasyon ng mga maka-kalikasang teknolohiya, serbisyo o produkto sa pamamagitan ng mga Public-Private Partnership, dagdag niya.

Magbubunsod ang Green Economy ng mga patakarang kontra-kalikasan at kontra-mamamayan na magbubukas ng mga bagong pwedeng pagkakitaan ng mga malalaking korporasyon, ani Quimpo. “Hindi ito ang solusyon sa mga magkakaugnay na problema na hinaharap ngayon ng sangkatauhan: ang krisis ng labis na produksyon, malakihang pagbuga ng  greenhouse gas ng mga korporasyon at industriyalisadong bansa na nagiging sanhi ng pagbabago ng klima ng mundo, at pagkasira n gating kapaligiran,” ani Quimpo.

“Hindi “Green Economy” ang ating kailangan kung hindi totoong pag-unlad para sa mamamayan.

Dapat patatagin natin ang isang pambansang ekonomiya, ipagtanggol ang ating likas na yaman mula sa higit pang pagkasira at pandarambong, at isulong ang tunay na pag-unlad para sa mamamayan at kalikasan.Hindi dapat pinepresyuhan ang kalikasan upang ibenta sa iilan,” sabi ni Quimpo.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply