Inay tinaga ng anak dahil sa titulo ng lupa

NAGUILIAN, La Union — Labis na nagngitngit ang 45-anyos na magsasaka nang malaman na hindi pa naililipat sa kanyang pangalan ang titulo ng lupa ng mga magulang kaya nagawa nitong tagain sa ulo ang 78-anyos na ina sa Brgy. Lioac Norte.

Huling iniulat na nasa maselang kalagayan bunga ng malaking hiwa sa ulo ang biktima na si Victoria Sanchez, isang biyuda matapos siyang atakihin ng anak na si Emil Sanchez, 45, kapwa residente ng nasabing bayan.

Nag-ugat ang pananaga makaraang malaman ng suspek na ang titulo ng kanilang lupa ay nakapangalan pa rin sa namayapa niyang ama. Inakala umano ng suspek na matapos mamatay ang ama ay naisalin na sa kanyang pangalan ang titulo.

Kinompronta ng suspek ang ina at sa galit ay inihampas nito sa mukha ng matanda ang titulo ng lupa. Hindi pa umano humupa ang galit ng suspek sa ginawang paglapastangan sa ina kaya hinugot nito ang gulok sa kanyang beywang at tinaga sa ulo ang magulang.

Mabilis namang naisugod ang biktima sa Naguilian District Hospital subalit inilipat sa Training and Regional Medical Center (ITRMC) sa siyudad ng San Fernando dahil sa grabe nitong kondisyon.

Kusa namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek matapos ang pananaga.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply