Isa pang iskam sa lisensiya

HINDI lang ang kawalan ng kontrata sa pagitan ng Land Transportation Office (LTO) at Amalgamated Motor Philippines Inc. (AMPI) ang dapat busisiin ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sapagkat marami pang iregularidad ang nagaganap sa nasabing tanggapan ng pamahalaan.

Tama ang mga mambabatas na malaking kawalan sa parte ng pamahalaan ang paglabag sa procurement law ng LTO at AMPI dahil wala nga namang naganap na bidding sa paggawa ng lisensiya kung kaya’t napakamahal na ipinapasa ito sa mga tsuper at iba pang gumagamit ng driver’s license. Kung dumaan sa  tamang proseso tiyak na hindi masyadong taga ang presyo ng driver’s license ID card.

Dapat ding tingnan kung bakit nagbibigay o nag-iisyu ang LTO ng napakaraming kopya ng driver’s license ID sa isang tao lang. Mapatutunayan ito ng ilang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagkukumpiska ng mga lisensiya ng mga pasaway na tsuper.

Karamihan sa mga driver na nahuli at nabigyan ng tiket, lalo’t mas mahal ang penalty o tubos, ay idinedeklara na lang na nawala ang kanilang lisensiya.

Kaya’t pagdating sa LTO, gagawa na lang ang mga ito ng affidavit of loss at tsaka kukuha ng panibagong lisensiya. Mas napamumura nga naman sila ng gastos, wala pa silang seminar.

Batid ng MMDA at iba pang ahensiya ng pamahalaan na nanghuhuli ng mgapasaway na driver na talamak na ang gawaing ito kaya’t dapat ay makipag-ugnayan na rin sila sa LTO upang matigil na ang kalokohang pilit inilulusot ng mga dispalinghadong tsuper.

Lumalabas din naman kung ilang beses na nahuli ang tsuper  ay kapag nakita na ang naipon na lisensiya nito sa tanggapan ng tubusan ng MMDA at mga katulad na ahensiya kung saan tinutubos ang mga nakumpiskang lisensiya.

Tutal nakaupo naman ang kaibigan at kabarilan ni Pangulong Noynoy Aquino, dapat sanaý magmalasakit siya sa kapakanan ng pamahalaan at mamamayan.

Makabubuting ipatupad ni Assistant Secretary Virgie Torres na kapag nakailang huli na sa kaparehas na pagkakamali ay pinawawalang bisa na ang lisensiya ng isang tao. Hindi na kailangang hintayin na mag-karoon pa ng mas malaking problema bago kumilos upang masawata ito.

Pero tila walang pakialam si Asec Torres sa kung ilang pagkakamali pa ang gagawin ng  mga tsuper basta ang mahalaga sa kanila ay ang mapa-taas ang kita ng kanilang tanggapan.

Maituturing na maganda na rin ang nangyari na natigil pansamantala ang pag-iimprenta ng ID card ng mga tsuper mula sa LTO dahil natigil ang pagkuha ng ilang tiwaling tao ng mga ipinakopyang driver’s license nila na ang totoo ay nakumpiska subalit idinideklarang nawala upang makaiwas sa mas malaking gastos.

Bilyong piso man ang nawawala sa LTO dahil sa pansamantalang pagtigil ng operasyon sa driver’s license, naitutuwid naman ang mga kalokohan at pagkakamaling nagawa ng ilang tauhan ng pamahalaan kaugnay sa usaping pinagkakakitaan sa PNP.

Maliban na lang kung ayaw intindihin o sadyang wala sa kanilang bokabularyo ang salitang ‘resign’ sa English at ‘bitiw’ sa Filipino.

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply