K+12 ng DepEd ‘di napapanahon– simbahan

HINDI pa napapanahon ang pagpapatupad ng “K to 12″ Program ng Department of Education (DepEd) ngayong darating na pasukan, ayon kina Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez, at Baguio Bishop Carlito Cenzon.

Sinabi ni Cruz, ang karagdagang dalawang taon sa pag-aaral ay malaking sagabal sa mga mamamayan na nakararanas ng labis na kahirapan.

Nangangamba si Cruz na dahil sa naturang programa ay lalo lamang darami ang bilang ng mga “out-of-school youth” at marami rin aniyang mahihirap na kabataan ang mawawalan ng oportunidad na magkaroon ng edukasyon.

Para kay Gutierrez ang “K to 12” Program ay dagdag na pasanin lamang sa mga mahihirap na magulang na naghahangad na mabigyan ng edukasyon ang mga anak na syang magpapaangat ng kanilang buhay.

Hindi akma ani Cenzon ang programa ng DepEd dahil mawawala ang oportunidad ng mga mahihirap na estudyante na makapag-aral at makapagtapos ng kurso sa kolehiyo.

Aniya, hindi kayang pag-aralin ng mga magulang ang kanilang mga anak bunsod ng mataas na matrikula, gastusin sa pamasahe at gastos sa baon dahil kakarampot lamang ang sahod.

Kaugnay naman ng pagbubukas ng klase sa susunod na linggo, hinimok ni Cruz ang mga awtoridad na tiyakin ang kaligtasan ng mga kabataan sa darating na pasukan.

Ani Cruz, laganap ang kriminalidad sa bansa dahil sa kahirapan kaya dapat paigtingin ang police visibility sa mga paaralan.

Umaapela rin si Cruz sa lahat ng namamahala ng mga paaralan sa bansa na pag-ingatan ang pagdagsa ng mga pagkaing paninda sa labas ng mga eskwelahan para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Inirekomenda naman ni Gutierrez sa mga kinauukulan na tutukan ang pag-upgrade ng mga pasilidad, mga silid-aralan at pagbili ng mga de-kalidad na aklat para sa mga estudyante.

Bukod dito, sinabi ni Gutierrez na kailangan ding bigyan ng pamahalaan ang mga estudyante ng mga magagaling na guro para mapataas ang kalidad ng pagtuturo sa bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply