Kabobohan ng mag-aaral bunga ng mga ‘kakulangan’

MAHIGIT 21 milyon ang estudyanteng nagsimulang pumasok sa mga eskuwelahan.

Sama-sama na rito ang mga nasa public school at private school.

Kasama na rin ang mga nasa kolehiyo at unibersidad.

Pero nakalulungkot isipin na sa kabila ng laki ng populasyon ng mga estudyante, hindi nakakayanan ng pamahalaan na ihanda ang lahat para sa magandang edukasyon.

Lalo na sa parte ng mga public school at State Universities and Colleges.

GRABENG KAKULANGAN

Sa parte ng Department of Education lamang na sumasakop sa elementarya at haiskul, napakalalaki ang mga kakulangan na nakaaapekto sa isipan at kalusugan ng mga estudyante.

Paano maisusulong ng DepEd ang magandang edukasyon kung labis-labis ang pagkukulang nito sa mga mag-aaral?

66,000 KULANG SA SILID-ARALAN

May nagsasabing kulang ang mga public school ng nasa 66,000 na silid paaralan.

Lalo’t may K+12 na nangangailangan ng sariling mga silid-aralan para sa dagdag na taon para sa elementarya at iba sa haiskul.

Sinasabi naman ng iba na nasa 20,000 lamang ang kakulangan.

At magagawan umano ng paraan ito sa pinagsanib na puwersa ng pamahalaan at mga pribadong negosyante.

Saan mang sulok tingnan, napakalaki talaga ang kakulangan.

At kailan naman matutugunan ang problemang ito?

KABOBOHAN SA ISTAYL SARDINAS

Sa totoo lang, nabobobo ang batang nag-aaral nang parang sardinas.

Halimbawa, dahil sa kakulangan sa mga silid-aralan, paano kung aabot sa 70 hangggang 100 ang mag-aaral sa isang silid-aralan?

Magulo ang pag-aaral ng mga bata sa ganyang sitwasyon at mawalan ng kontrol ang titser diyan.

Isa pa, sa roll call lang, ubos na ang oras ng titser.

Paano pa siya makapagtuturo ng matino sa napakaigsing oras?

Kabobohan sa parte ng mga estudyante ang ibubunga niyan.

Kahit magaling pa si mam.

Batay sa karanasan, maganda lang ang pag-aaral kung nasa 25-30 mag-aaral ang nasa iisang kuwarto.

Pag lumagpas na ang bilang diyan, magsisimula na ang hirap ng pag-aaral.

20,000 KULANG NA GURO

Kulang na nga ang mga silid-aralan, kulang na kulang pa ang mga teacher.

Sinasabing 20,000 ang kakulangan sa guro ngayong pasukan.

Dito, mapipilitan na mapagsama-sama sa iisang silid-aralan ang dalawa o tatlong seksyon.

Eh ‘di sardinas din ang labas ng mga bata.

Nauulit din ang problema sa pagkaubos ng oras sa roll call.

Kapag nagkaroon naman ng tatlong sesyon ang mga bata, alam ba ninyo ang nangyayari sa mga guro?

Pagooood na pagoooood sila, mga Bro.

At kapag napagod sina sir at ma’am, kasama nilang babagsak ang kanilang mga mag-aaral.
Kapag pinagsama-sama ang lahat ng ito, kabobohan talaga ang bagsak ng mga mag-aaral.

124,000 KULANG NA PALIKURAN

Masamang kalusugan ang ibubunga ng labis na kakulangan sa comfort room.

Sana, nasa 25-30 lang na bata ang gagamit ng iisang CR.

Pero paano kung doble o triple nga ang mga batang gagamit nito?

Naririyan na pagpipigil ng ihi o dumi.

Saan patutungo ito?

Yung nakatitiis, sa mga tahanan na lang sila umiihi at dumudumi.

Yung iba, sa mga pader sa gitna ng mga puno.

Pero paano ang pagkakasakit nila dahil lamang sa labis na kakulangan ng CR?

Kapag pinigil nila ang kanilang ihi at dumi, nakupo, sira na ang konsentrasyon ng mga bata.

Walang leksyon na papasok sa kanilang utak.

Mag-aantay na lang ang mga ito ng batingting ng orasan at kapag na-dismiss na ang klase, takbuhan na  katakot-takot ang nagaganap.

Para lang umihi at dumumi sa ibang lugar dahil punuan nga ang mga CR.

NAGAGAWAN NG PARAAN

Nagagawan umano ng paraan ang mga kakulangan.

Kung walang puno, may tent bilang silid-aralan.

Meron ding mga gymnasium at covered pathway.

Pero saan patutungo ang ganitong kalagayan?

Hindi ba kabobohan?

Kaya namang magtiis umano ang mga titser sa pagod sa labis na kakulangan sa kanilang hanay.

Pero hanggang saan ang kalagayan nilang ito?

Maraming titser ang nagkakasakit dahil sa pagod.

At ang masakit, sila ang gumagastos para sa kanilang pagpapagamot at hindi ang pamahalaan.

Totoo, nakauutang sila sa GSIS pero pera rin nila ang kanilang inuutang diyan.

Hindi rin ba kabobohan ang ibinubunga ng pagkakasakit ng mga teacher?

Nabanggit na natin ang mga problema ng mga bata sa kakulangan ng CR.

Sa kabobohan talaga bumabagsak ang mga mag-aaral sa problema sa CR.

MABILIS SA PORK BARREL

Paano kaya lulutasin sa pamamagitan ng pork barrel ang mga problema sa edukasyon?

Yun bang === kung gaano kabilis ang mga mambabatas sa pagkuha ng pork barrel, ganun din sana kabilis ang mga mambabatas sa paglalagay ng pondo para sa edukasyon.

Ang problema, inuuna pa ng mga ito ang mabilis nilang pagkakakitaan kaysa magbuhos ng sapat na pondo para sa edukasyon.

Anak ng tokwa!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph, itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply