Kagutuman, kahirapan pupuksain ni PNoy

HINDI titigil si Pangulong Benigno Aquino III na makamtan ang bagong kalayaan ng bansa mula sa pagkagutom at kahirapan.

Sinabi ng Punong Ehekutibo na sa tulong ng mga kaibigan ng Pilipinas sa iba’t ibang panig ng mundo ay kumpiyansa siyang mapagtatagumpayan niya ang kalayaang ito.

“Malapit na po ang ating Araw ng Kalayaan. Tulad ng dati, hindi tayo titigil na makamtan ang bagong Kalayaan– kalayaan mula sa gutom at sa kahirapan. Sa tulong ninyo, at sa tulong ng ating mga kabigan sa iba’t ibang panig ng mundo, tayo po’y magtatagumpay,” anito.

Nauna rito, binawi naman ni Pangulong Arroyo ang lahat ng kanyang pagod sa katatapos lamang niya na anim at kalahating araw na pagbisita sa UK at Amerika sa pagkain niya ng tuyo’t sinangag.

Sa kabilang dako, ibinalita naman ng Chief Executive na noong unang beses niyang pagtapak sa Europa noong lumapag sila sa Britanya nitong nakaraang Lunes ay sunud-sunod  niyang hinarap ang mga kumpanyang handang-handa nang magpasok ng puhunan sa atin pong bansa.

Binanggit nito ang PASAR na pagmamay-ari na ng British company na Glencore; ang GazAsia na nakikipagsanib-puwersa sa Aboitiz; ang Royal Dutch Shell; at ang Nestle.

“Hindi po bababa sa $1.5 bilyon, at baka umabot pa nga po sa $2.5 bilyon, ang halaga ng kalakal na papasok sa ating ekonomiya dahil sa mga kumpanyang nabanggit po na ito. At hindi lang po sila ang namumuhanan sa atin. Ang Cebu Pacific naman, tutulong sa ekonomiya nila. Bibili at magpapa-maintain ng mga makina ng eroplano mula sa Rolls Royce sa halagang 280 million dollars po,” ang pahayag ng Pangulong Aquino.

Habang sa Estados Unidos naman, aniya, ay nakausap niya ang tinipong mga ehekutibo ng Sithe Global, Denham Capital, at GN Power. Nakausap din niya ang Underwriters Laboratories.

Ipinagmalaki nito ang halaga ng mga investments na papasok galing sa mga kumpanyang ito ay hindi bababa sa isang bilyong dolyar.

“Sa kabuoan po, ang halaga ng kalakal na papasok mula sa mga kumpanyang nakapulong natin, sa Britanya at sa Amerika: Hindi bababa sa dalawa’t kalahating bilyong dolyar, o humigit-kumulang 100 billion pesos. Trabaho po ang katumbas ng mga numerong ito; trabahong magdadala ng pagkain sa mesa ng Pilipino. At kasabay po ng magandang balitang ekonomiko, nagbunga rin ng mas malalim pang pakikipagkaibigan ang ating pagbiyahe sa United Kingdom at sa Estados Unidos,” ayon kay Pangulong Aquino.

Kaugnay nito, sinabi pa rin niya na sa Britanya ay nakapulong niya si Prime Minister si David Cameron, at  Prince Andrew.
“Si Prince Andrew po ay may tungkuling i-promote ang mga negosyong Britanya. Nakikita po nila ang mabuting pinatutunguhan ng tuwid na daan, at ang mga pagkakataong ekonomikong nabubuksan dahil sa pag-angat ng atin pong bansa. Pinuri po nila tayo sa pag-usad ng peace talks, at nagpahayag ng paghanga sa GDP growth natin na lagpas-lagpas sa inasahan ng nakararami,” aniya pa rin.

Katulad aniya sa Amerika ay pagkamangha sa mga resulta ng repormang kanyang ipinunla, at malinaw na pagnanais na palalimin pa ang pakikipag-ugnayan sa Pilipinas.

“Pinuri po nila tayo sa ating pagtahak sa tuwid na daan, at inulit ang pangakong tumulong upang lalong mapabilis ang pag-abot sa ating mga adhikain. Si Pangulong Obama mismo ang nagdiin ng kahalagahan ng Pilipinas bilang kabalikat; magkatuwang ang ating interes na panatilihin ang malaya at mapayapang paglalayag sa West Philippine Sea. Sa harapang usapan, lalong lumiwanag kung ano ang maaasahan natin sa kanila, at ang inaasahan naman nila mula sa atin. Ipinahayag po ni Secretary of State Hillary Clinton ang suporta nilang ibibigay sa pagtatayo ng ating Coast Watch system, na malayo ang mararating upang mabantayan ang ating mga baybayin. Inanunsyo rin ni Secretary Clinton na magkakaroon ng dagdag na Peace Corps volunteers na idedestino sa atin pong bansa,” ani Pangulong Aquino.

Samantala, nagging benepisyaryo ang Pilipinas ng isang debt for nature swap kung saan ay hindi na kailangan ng bansa na bayaran ang utang nagkakahalagang 23 million dollars.

Dapat lamang aniya ay matiyak na mapupunta sa pagtatanim ng mga bagong puno ang perang ibinalik sa Pilipinas.

“Bukod pa po iyan sa dagdag pang 30 million dollars na matatanggap natin sa ilalim ng Partnership for Growth program na sumusuporta sa mga proyekto laban sa kahirapan. Marami po silang problema pero hindi po nag-aatubiling tumulong sa atin,” ayon sa Chief Executive.

Sinabi pa rin nito na sa kabila ng pakikipag-daupang-palad niya sa mga matataas na opisyal ng iba’t ibang gobyerno ay iba pa rin aniya ang kanyang paboritong bahagi ng kanyang mga biyahe.

“Wala pa rin pong katumbas ang lakas na naibibigay sa akin tuwing makakapagreport ako sa aking mga boss, saan mang panig ng mundo. Sa London man po, sa Washington, o sa Los Angeles, sabik na sabik makarinig ng balita ang ating mga kababayan ukol sa mga pangyayari dito sa atin. Ikinuwento ko po sa kanila ang pagbabagong narating na natin. Nagpasalamat din po tayo, di lamang sa malaki nilang ambag sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya, kundi pati na rin sa pagpapakilala sa mabubuting katangian ng lahing Pilipino. Sa paglulunsad po ng US-Philippines Society sa Washington, nakita natin hindi lamang mga kapwa-Pilipino, kundi pati mga dating opisyales ng Amerika na tuloy pa rin ang malasakit sa Pilipinas. Kung dati po tumutulong sila dahil sa kanilang trabaho, ngayon kusa silang kumikilos. Nagbuo po sila ng samahan upang ang Pilipinas ay tuluyan na ngang maabot ang kanyang malawak na potensyal,” ang litaniya nito.

Ipinagmalaki nito sa publiko na sa loob ng anim at kalahating araw na napalayo siya sa Pilipinas kung saan ay 42 oras ang kanyang ginugol sa loob ng eroplano ay masasabi niyang hindi niya sinayang ang pagbiyahe, at talagang isinagad niya ang buong pagkakataon upang isulong ang bansa sa landas ng kasaganahan at pang-malawakang kaunlaran.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply