Kalakalan palalakasin din ni Biazon

HANGAD din ni Customs Commissioner Ruffy Biazon na mapa-angat ang kalakalan sa bansa lalo’t higit ang promosyon ng mga produktong galing Pilipinas.

Hindi lang collector ng tamang bayarin sa mga kargamentong pumapasok sa bansa ang layunin ni Biazon bagkus gusto rin niyang mapabilis ang palitan ng kalakalan sa pagitan ng iba’t ibang bansa lalo’t higit sa mga kasapi ng ASEAN.

Layunin din ni Biazon na target ngayon ng sandamakmak na sindikato sa Bureau of Customs (BoC) na kanyang nasagasaan, na mapalaki lalo ang collection ng kanyang tanggapan upang lalong gumanda ang imahe ng Pilipinas sa ibang bansa dahil hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na palaging kasali ang ating estdao sa listahan ng mga corrupt ng bansa sa mundo.

Siyempre, kapag bumilis ang kalakaran ng bansa sa pamamagitan ng magandang palakad sa Customs tiyak na darami ang darating na kalakal at mamumuhunan na mangangahulugan ng dagdag na kita sa estado.

Image building ang pakay ni Biazon di lamang sa kanyang tanggapan dahil kasabay ng pagpapatino ng kanyang ahensya sa mata ng publiko ay ibinebenta rin nito ang bagong Pilipinas na naayon sa agenda ng Pangulong Noynoy Aquino na “tuwid na daan”.

Todo tulak din si Biazon sa “full implementation of automated system” sa lahat ng transaksyon sa Aduana dahil isa ito sa paraan para matigil ang palusutan sa kanyang hanay.

Maraming pasaway sa ahensya at sa mga player sa Customs na ating nasasagasaan pero tinitiyak kong di tayo papaapekto at papatakot sa kanilang istilo dahil layunin natin na gumanda ang collection at imahe ng bureau sa lahat ng mamamayan.

Napansin na ang magandang ginagawa ni Biazon sa Aduana hindi lamang ng mga taga-Pinas dahil maging ang kanyang mga counterpart sa mga miyembro ng ASEAN ay hanga sa kanyang tapang at pamamalakad.

Patunay nito ang paghalal sa kanya bilang pinuno ng mga customs chief sa mga kasapi ng ASEAN na hindi nagawa ng ilang mga naging pinuno ng BoC. Kitang-kita na natin ang tiwala ng ibang bansa sa mga Filipino lalo’t higit kina PNoy at Biazon kaya’t konting suporta pa sa lahat ng proyekto at programa dahil abot na natin ang tagumpay.

###

Hindi akma sa mga local chief executive ang bagong polisiya na sila ang magdedeklara ng walang pasok sa ating mga mag-aaral.

Hindi kasi nila kabisado ang itatakbo ng klima sa bansa lalo’t higit sa kanilang nasasakupan sa buong maghapon.

Hindi naman manghuhula ang mga mayor at hindi rin dapat magpabigla-bigla sila sa kanilang mga desisyon dahil baka sa bandang huli ay sila ang masisisi.

Kaya’t marapat lamang na ibalik muli sa tamang awtoridad ang pagdedeklara ng walang klase dahil ang PAGASA talaga ang nakaaalam sa mga magiging kaganapan sa bansa.

###

Sa mga nagnanais ng pagkalinga ng pitak na ito,maari kayong mag-email sa barangayanni_isko @yahoo.com o mag text sa 09336363310.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply